TASK FORCE SA PINATAY NA EX-JOLO POLICE CHIEF

baril

BUMUO ang Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ng Special Investigation Task Force na siyang mangunguna sa imbestigasyon sa pamamaslang kay dating Jolo Police Chief Lieutenant Colonel Walter Annayo.

Inatasan si Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba sa pamamagitan ng Special order 434 na mamuno sa naturang imbestigasyon.

Tiwala si PRO-BAR Regional Director Brig.Gen. Samuel Rodriguez na matutukoy sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pagpatay kay Annayo.

Nabatid noong Lunes ng hapon, bumaba si Annayo sa kanyang kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang # GAL 2258 sa bahagi ng Barangay Macabiso,Sultan Mastura, Maguindanao para bumili ng buko juice nang dumating ang isang kulay puting Toyota Fortuner at isa sa mga sakay nito ang bumaril sa biktima.

Tinamaan sa ulo at likod si Annayo na agad nitong ikinasawi.

Nabatid na kalilipat lamang ni Annayo sa PRO-BAR matapos patalsikin sa kanyang puwesto sa Jolo PNP nang masangkot ang siyam na tauhan nito sa pamamaril sa apat na Army Intelligence Officers na tumutugaygay umano sa dalawang lady suicide bombers .

Ayon kay Philippine National Police (PNP)  Chief Gen. Debold Sinas, hintayin munang matapos ang ginagawang imbestigasyon ng PRO-BAR sa pagkamatay ni Annayo.

Ito ay makaraang lumutang na posibleng  may kaugnayan din umano ang paglikida kay Annayo sa pagkamatay ng apat na army officers sa Jolo,Sulu.

Dahil dito, inatasan na rin ni Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mag-imbestiga para sa mabilis na paglutas ng kaso. VERLIN RUIZ

HUSTISYA KAY ANNAYO MAKAKAMIT-SINAS

TINIYAK ni PNP Chief Gen. Debold Sinas sa pamilyang naulila ni Lt. Col. Walter Annayo na makakamit agad nito ang hustisya.

Ito ang inihayag ni Sinas nang magtungo sa burol ni Annayo sa Baguio City noong Lunes ng gabi para personal na makiramay sa mga naulila ng dating hepe ng Jolo Municipal Police.

Sinabi ni Sinas kay Anna, misis ni Annayo na pinabibilisan na niya ang imbestigasyon ng CIDG para resolbahin ang kaso ng pagpatay sa biktima.

Ipinaalam din nito, ang progress investigation ng PRO-BAR hinggil sa pagpaslang sa dating chief of police.

Kasabay nito, iniabot din ng PNP chief ang financial assistance sa Annayo family at nangako sa agarang pag-release ng lahat ng death benefits para sa napaslang na police officer. EUNICE C.

Comments are closed.