SI Roselio Magsayo ay nagtatrabaho ngayon bilang Restaurant Manager sa Coco Grove Beach Resort sa Siquijor. Labing-tatlong (13) taon na siyang empleyado sa nasabing resort at ngayong taon, isa siya sa mga hinirang na Idols ng TESDA 2020.
Nagtapos si Roselio sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng mga kursong Food and Beverage Services NC II at Bartending NC II. Bilang isang restaurant manager, ilan sa mga kinagigiliwan niyang parte ng kanyang trabaho ay ang pagtuturo ng mga bagong kaalaman, para makatulong sa pagbuo ng self-confidence at communication skills ng kanyang mga kasamahan, lalo pa’t ilan ito sa mga importanteng kasanayan sa kanilang propesyon.
Dama ni Roselio at ng kanyang mga kasamahan ang epekto ng pandemya sa industriya ng turismo. Nabawasan ang kanilang mga kustomer kaya naman nabawasan din ang mga araw ng pasok ng mga kawani.
Isang buwan bago nagsimula ang community quarantine sa bansa, nag-enroll si Roselio at ang kanyang mga kasamahan sa Organic Agriculture Production NC II, kaya naman hindi sila nawalan ng gawain sa araw-araw kahit pa nabawasan ang araw ng kanilang pagpasok.
Sa kasalukuyan, kumukuha si Roselio ng kursong Trainers Methodology Level 1 sapagkat nais niyang maging Trainer at Assessor. Bukas din siya sa ibang mga posibilidad na hatid ng kanyang mga natapos na kurso at propesyon.
Mensahe ni Roselio para sa mga nais mag-aral ng mga bagong kasanayan para umunlad ang pamumuhay at malampasan ang kahit anumang pagsubok, “Hindi kayo magsisisi sa TESDA. Nariyan na lahat. Ang gawin ‘nyo lang ay mag-aral nang mabuti.”
Comments are closed.