KATUPARAN ng pangarap ng Pilipinas na maging isang industrialized country sa pagsasabatas sa Tatak Pinoy o Proudly Filipino Act, ayon sa pangunahing awtor ng panukala na si Senador Sonny Angara.
Sa loob ng limang taong pagsusulong ng Tatak Pinoy law, naging masusi ang mga isinagawang pag-aaral at konsultasyon ng tanggapan ng senador sa mga lider ng iba’t ibang industriya sa bansa, gayundin sa mga micro, small and medium enterprises, sa academe, foreign institutions at sa mga ahensiya ng gobyerno na makatutulong sa pagbuo ng naturang batas.
“Ang hangarin ng Tatak Pinoy ay ang pagpapatatag ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng mas malakas na koordinasyon ng gobyerno at ng pribadong sektor. Sa pamamagitan ng Tatak Pinoy ay malalaman natin ang pangangailangan ng mga negosyante upang mapalakas ang kanilang mga operasyon at kung paano makatutulong ang gobyerno para makamit nila ang hangaring ito,” ayon kay Angara.
Sa kanyang paliwanag kaungay ng Tatak Pinoy Act, binigyang-diin ni Angara na magiging malaking tulong ang batas na ito sa mga industriya dahil susuportahan nito ang pagpapalawak ng kanilang operasyon.
Sa ganitong paraan, aniya, ay mas magiging competitive ang Philippine industries, hindi lamang sa mga lokal na pamilihan, kundi maging sa pandaigdigang merkado.
“Ang Isa pa sa hangarin natin sa pagsulong ng Tatak Pinoy ay ang pataasin ang kita ng mga Pilipino dito sa sarili nating bansa. Habang lumalaki ang kita ng mga negosyo ay umuunlad din ang ating ekonomiya at dahil ditto, inaaasahan natin na mas gaganda ang buhay ng ating mga kababayan,” sabi pa ni Angara.
Sa ilalim ng Tatak Pinoy, magkakaroon ng targeted interventions na tututok sa mga partikular na industriya at sektor na pawang taglay ang potensyal na lumaki at umunlad.
Bubuuin din ang isang Tatak Pinoy Strategy na magsisilbing patnubay ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa Tatak Pinoy Act, mga pamahalaang lokal at mga pribadong sektor upang masiguro na matutupad ang mga layunin ng panukala.
“Ito ay magiging isang komprehensibong programa kung saan, magsisimula ito sa edukasyon. Sisiguruhin natin na ang ating mga mag-aaral ay mabibigyan ng kaukulang kaalaman at skills na kakailanganin nila sa pag-a-apply sa trabaho; malugod na pagtanggap sa innovation and technology transfer para mabigyan ng pagkakataon ang mga negosyo na makagawa ng mga produktong mas sopistikado at mga dekalidad na goods and services; at pagkakaroon ng strategic investments na magpapalakas sa lahat ng industriya sa bansa, at sa mga empleyado ng mga ito,” dagdag pa ng senador.
“Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sapagkat maging siya ay nakikiisa sa ating pananaw sa Tatak Pinoy. Makatutulong din ang Tatak Pinoy para matupad ang mga adhikain ng Philippine Development Plan. Nagpapasalamat din tayo sa mga lider at miyembro ng Senado at ng Kamara sa kanilang pag-apruba sa ating panukala,” ani Angara.
VICKY CERVALES