PEBRERO ngayong taon, bilang chairman ng Senate Subcommittee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, pinangunahan natin ang pagdinig sa isang panukalang batas na magbibigay ng Protected Geographical Indications (GIs) sa ating mga lokal na produkto, maging ito man ay agrikultural, natural, processed o maging ang mga mula sa handicraft o anumang industriya.
Layunin natin dito na mapangalagaan ang quality of manufacturing and craftsmanship ng ating local producers, at aksiyunan ang mga pekeng produkto na gumagaya sa original products.
Sa deklarasyon ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), ang geographical indications ang nagpapatunay sa originality ng isang produkto – ang orihinal na pinagmulan nito tulad ng rehiyon, teritoryo o lokalidad, kung saan batid ang reputasyon nito bilang dekalidad.
Inihalimbawa ng IPOPHL bilang potential GIs ang mga produktong Pinoy tulad ng Heirloom Rice ng Cordillera; ang T’nalak hand-woven cloth mula sa T’boli people ng South Cotabato, ang Sabutan weave ng lalawigan ng Aurora at ang ipinagmamalaking kape ng Kalinga.
Noong nakaraang taon, inilabas ng GIs ang mga panuntunan upang mas mapalakas ang proteksiyon at promosyon ng local products.
Ang totoo n’yan, narehistro na kamakailan ang Guimaras mangoes bilang GI – ang kauna-unahan para sa Pilipinas. At dahil dito sa panukalang ito, naniniwala tayo na magiging permanente na ang GI system para naman maprotektahan ang sariling produkto ng ating mga komunidad.
Isa pa, mapagtitibay ang region of origin ng produkto sa pamamagitan nito at maiiwasang maangkin ng iba. Marami ang mga ganitong reklamo sa kasalukuyan. Ang produkto na nagawa sa isang espesipikong lugar ay naaangkin ng iba dahil walang proteksiyon laban dito. Ihalimbawa natin ang isang pangyayari noong 2019 kung saan, ang Coffee Heritage Project founder na si Margaret Watanabe ay nagsabing lahat ay ginawa ng kanilang organisasyon upang protektahan ang Sagada coffee. Marami raw kasi ang namemeke sa kanilang produkto sa kabila ng cease and desist orders na isinampa nila laban sa mga ito.
Nito namang 2022, inireklamo ng pamahalaang lokal ng Sagada ang pagpasok ng mga pekeng Sagada oranges sa Baguio City. Marami sa mga turista ang naloloko at ang masakit, pinagkakakitaan ito nang malaki ng mga tiwaling sellers. Isa pang napakalaking problema, kapag ibinenta na sa online ang mga fake goods and products, walang kalaban-laban ang mga online buyers. Hindi naman din kasi nila mapapansin kung peke o tunay ba ‘yung nabili nilang produkto dahil nga ang sinasabi ng binilhan nila, original product ‘yun. Sa katapus-tapusan, makikita na lang nila na substandard ang mga produktong nabili nila.
Sa ilalim po ng panukala, bibigyang proteksiyon ang mga registered GIs laban sa mga direct or indirect commercial use sa mga nakarehistrong pangalan ng produkto. Ito ay para maiwasan ang pamemeke, paggaya o imitasyon na nagreresulta sa pangit na produksyon. Sa mga ganitong pangyayari kasi, naaapektuhan pati ang mga original products dahil nasisira ang kanilang reputasyon nang hindi nila nalalaman.
Sa nasabi nating pagdinig noong Pebrero, nagbigay ng buong suporta ang IPOPHL sa ating panukala. At sakaling tuluyang maging batas, ito ang mangangalaga, magsusulong at magpre-preserve sa cultural heritage and practices ng ating indigenous cultural communities at ng iba pang mga lokal na komunidad.
Isa pang maganda sa panukalang ito sakaling maging batas na, mas mapatataas nito ang productivity at ang financial stability ng ating local producers, at siya ring mangangalaga at tutulong sa kanila para mas mapalakas nila ang kanilang produksiyon.