(Tatalakayin ng Senado) PAG-AMYENDA SA AFP FIXED TENURE LAW

TINIYAK ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa publiko na susuriing mabuti ng Senado sa committee level ang panukalang batas na mag-aalis ng fixed term para sa ilang opisyal ng military bago ito isumite sa deliberasyon sa plenaryo.

Binigyang-diin ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation, na ang mga nasabing panukalang batas na diringgin sa Martes, Enero 17, 2023, ay nauna nang naihain noon pang nakaraang buwan o bago pa man nagkaroon ng mga ulat tungkol sa mga umano’y ugong ng destabilisasyon sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bunsod ng pagpapalit ng liderato kamakailan.

“Nais kong linawin sa publiko na ang deliberasyon ay isasagawa namin hindi dahil sa anumang umano’y plano na may kinalaman sa destabilisasyon o para pahupain ang mga hindi pagkakasunduan sa hanay ng mga nasa militar.

Tungkulin ng Senado na magsagawa ng pagdinig lalo na’t ito ay na-certify na bilang urgent ng Pangulo,” anang senador.

Inihain ni Estrada noong Disyembre 6 ang Senate Bill No. 1601 na naglalayong amyendahan ang RA 11709, ang batas na nagtatakda ng tatlong taong termino para sa mga pangunahing opisyal ng AFP kabilang ang chief of staff.

Naghain naman ng katulad na panukala si Senate President Juan Miguel Zubiri noong Disyembre 7, 2022.

Bagama’t nasuri na ng mga opisyal at enlisted personnel ng AFP ang nasabing panukala sa mababang kapulungan, sinabi ni Estrada na kailangan pa rin nilang marinig o kumonsulta sa iba pang kinauukulang partido o grupo upang matiyak ang pangangailangan sa pag-amyenda sa nasabing batas na nagkabisa noon lamang isang taon.

“Hindi ako miyembro ng Senado noong ipinasa ang batas na ito kaya’t gusto kong marinig sa mga ranking officials na iimbitahan natin sa committee hearing ang kanilang posisyon dito sa isyu na ito,” anang senador.

Bukod sa nasabing panukala, tatalakayin din ng komite ni Estrada kasama ang mga Committees on Government Corporations and Public Enterprises, Public Order and Dangerous Drugs, Higher Technical and Vocational Education at Finance ang mga panukalang batas na nagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga miyembro ng pulisya, military at iba pang uniformed personnel na nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa kanilang serbisyo.

Nakatakda rin na talakayin ni Estrada ang panukalang pagtatatag ng Philippine Air Force Academy (PAFA).

Naghain ng magkaibang panukala sina Estrada at Sen. Ramon Revilla Jr. sa pagtatag ng PAFA, isang institusyong pang-edukasyon para sa pagtuturo at paghahanda sa mga magseserbisyo sa Philippine Air Force (PAF). VICKY CERVALES