(Tatapusin na sa mid-May) PAMIMIGAY NG FUEL SUBSIDY SA PUV DRIVERS

TATAPUSIN na ang pamamahagi ng P2.5-billion fuel subsidy sa public utility vehicle drivers at operators sa ikalawang linggo ng Mayo, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB).

Sinabi ni LTFRB executive director Kristina Cassion na sa kasalukuyan ay  180,000 PUV sector beneficiaries mula sa 264,000 na pinangasiwaan ng ahensiya ang nakatanggap na ng P6,500 fuel subsidy sa kanilang cash cards.

Anang opisyal, nais talaga nilang bilisan ang pamamahagi ng subsidy kaya sa ikalawang linggo ng Mayo ay tatapusin na nila ito.

Aniya, kailangang maipamahaging lahat ang first tranche ng fuel subsidies bago ilabas ang second tranche.

Ang fuel subsidy program ng pamahalaan — dalawang tranches na tig-P2.5 billion — ay naglalayong mabigyan ng  P6,500 cash aid ang 377,000 benepisyaryo, kabilang ang LTFRB-supervised PUV drivers at operators, tricycle drivers at operators sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), at delivery riders sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

Nauna na nang sinabi ni Cassion na hinihintay pa ng LTFRB ang listahan ng qualified tricycle drivers at operators.LIZA SORIANO