TATAY NA NANGHATAW NG ANAK NAGPAKAMATAY

RIZAL- NAGPAKAMA­TAY na sa loob ng selda nang matagpuan ng mga awtoridad ang mister na walang awang pinaghahataw sa semento hanggang sa mamatay ang 7-anyos na anak kamakalawa ng umaga sa Montalban sa lalawigang ito.

Ayon kay Lt. Col. Marcelino Pipo Jr., hepe ng pulisya, humingi ng saklolo ang ilang preso nang inuntog ng suspek na si Eraño Veraces y Salioman, 26-anyos ang ulo nito sa pader ng banyo sa Municipal detention cell kahapon dakong ala-1 ng madaling araw.

Agad namang isinugod sa Ynares hospital si Veraces ngunit binawian ito ng buhay dakong alas-2 ng madaling araw.

Hinala ng pulisya, hindi nakayanan ng suspek ang konsensiya sa brutal nitong pagpaslang sa anak dahil lamang sa hindi umano pinasiping ng buntis na misis.

Batay sa ulat, nitong Abril 24 dakong alas-9 ng umaga, hubo’t hubad ang suspek at walang awa na pinaghahataw sa semento sa kalsada ang anak na si Erron sa Phase-1,Villa 8 Brgy., San Isidro Rodriguez Rizal.

Gayunpaman, nagsasagawa ang Montalban PNP ng malalimang imbestigasyon sa loob ng piitan sa mga inmate na kasama ng suspek upang tiyakin na walang foul play sa nangyaring pagpapatiwakal nito.
ELMA MORALES