LANAO DEL SUR-KINUMPIRMA ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., pinuno ng AFP Western Miindanao Command na naglunsad sila ng isang major military operation sa Barangay Ilalag, bayan ng Maguing sa lalawigang ito.
Sa inisyal na ulat matapos ang isinagawang air strike ng dalawang Philippine Air Force asset sinalakay ng ground forces mula sa apat na infantry battalion ang liblib na bahagi ng nasabing lugar kahapon ng madaling araw .
Base sa inisyal na ulat may 2 kasapi ng daulah Islamiya-Maute Group ang napaslang habang isang sundalo ang nasawi at apat ang sugatan sa nagpapatuloy pang sagupaan.
Ayon kay PAF Spokesman Lt. Col. Maynard Mariano sinuportahan ng kanilang bagong biling Embraer A-29B “Super Tucano” attack aircraft at FA 50 Fighter Plane ang inilunsad na focus military operation bandang alas-2 ng madaling araw.
Sa pahayag ni naman ni Maj Andrew Linao, spokesman AFP Western Mindanao Command, sumalakay muna ang apat na combat unit saka sinuportahan ng air force.
Hanggang kahapon ay nagpapatuloy pa rin ang nagaganap na habulan at panaka-nakang palitan ng putok sa pagitan ng militar at 50 DI-Maute group na pinamumunuan ng isang Abu Zacharia.
Nilinaw din ng Philippine Army 1st Infantry Division na malayo sa mga komunidad ang naganap na pambobomba at habulan kaya walang inulat na civilian casualties. VERLIN RUIZ