TATLO PATAY SA SUFFOCATION

MISAMIS ORIENTAL- TATLONG minero kabilang ang isang menor de edad ang namatay sanhi ng nakakasulasok na amoy o usok mula sa tunnel na kanilang hinuhukay sa paghahanap ng ginto sa Balingasag sa lalawigang ito.

Kabilang sa mga nasawi ang isang 15-anyos na binatilyo na anak ng isa sa dalawang minerong nasawi na may edad na 48 at 38 taong gulang.

Habang isa pang menor de edad ang nakaligtas at nagpapagaling sa ospital na kasama nila sa paghuhukay ng butas.

Sa inisyal na imbestigasyon ay possible umanong suffocation ang ikinamatay ng mga biktima bunsod ng sumabog na water pump na ginamit ng mga biktima na nagbuga ng nakalalasong usok.

Inaalam din kung may methane gas na naipon sa butas na hinuhukay na naging ugat ng pagsabog o pagbuga ng nakalalasong usok.

Naging mahirap umano ang rescue operation dahil na 25 feet ang lalim ng makipot na butas kaya natagalan ang pag recover sa mga biktima. VERLIN RUIZ