Ni Nenet L. Villafania
“We are the wise men who travelled afar
Over the dessert we followed a star
Searhing the long promised Savior and King
Gold, myrr and incense the gifts that we bring”
Tuwing Enero 6, ipinagdiriwang sa Ternate, Cavite ang Araw ng Tatlong Hari o mas kilala sa tawag na “Dia de los Reyes.”
Nagtataka siguro kayo kung bakit Kastila ang titulo ng kanilang selebrasyon. Natural lamang ito dahil ang salita sa kanilang lugar ay broken Spanish at hindi Tagalog na katulad ng mga kalapit bayan.
Ang festival of the three kings ay siya ring pagtatapos ng Twelve Days of Christmas, kung saan kasabay ang tinatawag na Epiphany. Ito ang araw nang sa wakas ay natagpuan din ng Tatlong Haring Mago ang sanggol na si Jesus sa sabsaban, dalawang taon matapos nilang sundan ang maliwanag na tala sa langit. Dala nila ang kanilang mga regalong ginto, mira at insenso. Sila ang dahilan kaya naging tradisyon na sa buong mundo ang pagbibigay ng regalo kapag Pasko.
Sa Pilipinas, pinaniniwalaan ng ilang mga bata na hindi si Santa Claus kundi ang Tatlong Haring Mago ang nagbibigay sa kanila ng sikretong regalo kapag sila ay mabait na bata sa loob ng isang taon. Kapag Pasko, hindi medyas kundi sapatos ang inilalagay nila sa may pintuan, sa pag-asang kinabukasan ay may laman itong kendi at tsokolate o pera.
Ang Día de los Reyes ay masasabing isang Christian celebration, bilang pag-alala sa tatlong haring ginabayan ng isang maliwanag na tala patungong Betlehem. Sa kanilang paglalakbay, nakausap nila si Haring Herodes at nasabi nila ang kanilang layon, kaya ipinapatay ni Herodes ang lahat ng sanggol na lalaking may edad dalawa pababa. Tinatawag itong Ninos Inocentes na ipinagdiriwang naman tuwing December 28.
Kilalanin natin ang tatlong hari. Sila ay sina Gaspar, Melchior at Balthasar na nagmula sa iba’t ibang kaharian sa Persia. Hindi sila magkakakilala, ngunit nagkita-kita sila sa disyerto, at dahil pare-pareho naman sila ng hinahanap – ang sanggol na si Jesus sa sabsaban – nagpasiya silang magsama-sama sa paglalakbay.
Nang pauwi na sila sa Persia, plano sana nilang bumalik kay Haring Herodes ngunit nagpakita ang isang anghel sa kanilang panaginip, at sinabing iwasan nila ang buktot na hari dahil may masama itong balak sa Manunubos.
Sa loob ng 130 taon, ipinagdiriwang ang Dia de los Reyes tuwing January 6th, sa munisipalidad ng Ternate sa probinsya ng Cavite. Pinagdarayo ito ng marami, sa paniniwalang makakatanggap sila ng regalong ispiritwal mula sa tatlong hari sa pakikisa sa nasabing festival.
Noong panahon ng Martial Law, ang January 6 ay isang public holoday sa Pilipinas gayundin sa Spain, Central at South America, at sa Caribbean, kung saan bawat bansa ay may kani-kanyang paraan ng pagdiriwang. Sa ngayon, isa na lamang itong karaniwang fiesta ngunit pinagdarayo pa rin ng mga Katoliko kung mayroon silang panahon.
Typically, bilang selebrasyon ng Dia de los Reyes, binibilhan ang mga bata ng maraming kendi at tsokolate bukod pa sa mga barya upang ibili ng pula, puti at dilaw na lobo, na sumisimbulo sa ginto, mira at insensong regalo ng tatlong hari sa sanggol na si Cristo. Ang mga regalong ito ay may kahulugan. Ang ginto ay kumakatawan sa estado ni Jesus bilang hari ng mga Hudyo; ang insenso ay kumakatawan sa kabanalan ng sanggol sa sabsaban bilang Anak ng Diyos, at ang mira naman ay kumakatawan sa kanyang pagiging tao, bilang anak ni Birheng Maria. At sa araw na ito, pormal na natatapos ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.