NAIS kong anyayahan ang lahat sa aking solo art exhibit, “What are the Lines that Define You?”, na magbubukas sa ika-11 ng Agosto sa ArtistSpace na matatagpuan sa ground level ng Ayala Museum Annex, Makati Avenue cor. De La Rosa Street, Greenbelt Park, Makati City.
Ang art show na ito ay handog ng ArtistSpace, jfrii Studio, Salazar Art Agency, at ng The Saturday Group of Artists.
Itatampok dito hindi lamang ang pinakabago kong mga abstract works, kundi pati ang aking mga eksperimentasyon sa kulay, abstract shapes, at texture.
Malaking bahagi ng mga obra sa art show na ito ay hindi lamang ang abstraction, kundi ang kaugnayan ng mga piyesa sa kasaysayan at kaligayahan o tuwa. Magkita-kita po tayo sa opening ng art exhibit sa susunod na Biyernes.
o0o
Bukas, Sabado, ay magaganap ang “Mindfulness & Heartfulness Daylong Meditation” sa pangunguna nina Imee Contreras ng Mindfulness Asia at Dr. Cara Fernandez sa Ateneo de Manila University sa Quezon City. Upang magpatala o kung nais pang malaman ang karagdagang impormasyon, maaring magpunta sa link na ito: bit.ly/mindandheartretreat
Samantala, ang pinakamalaking traveling book festival sa Pilipinas, ang Philippine Book Festival (PBF), ay gaganapin sa SMX Convention Center – Davao mula ika-18 hanggang ika-20 ng Agosto 2023. Libo-libong mga aklat ang maaaring mabili, mayroon ding meet-and-greet sa mga Pilipino at banyagang manunulat, at higit pa riyan, magkakaroon din ng mga exhibits, performances, at workshops. Walang bayad upang makapasok sa PBF, kailangan lamang mag-register online sa pamamagitan ng pagbisita sa website ng PBF: www.philippinebookfest.com