MALABON CITY – NASA malubhang kalagayan ang tatlong magkakapatid at dalawa nilang kaanak matapos pagsasaksakin ng tatlong helper ng isang mini-carnival o “perya” makaraan ang kanilang mainitang komprontasyon kamakalawa ng gabi.
Si Rogelio Capoquian, 25, mga kapatid na si Jayson, 27, Jermie Niño, 23, at kanilang pinsan na si Nilo De Andres, 21, at Jess Sevilla, 21, pawang mga residente ng 215 Sitio 6, Brgy. Catmon ay isinugod sa Tondo Medical Center para magamot ang mga saksak sa kanilang katawan.
Sa ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Richard Andrew Calaycay kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, alas-8:30 ng gabi, naglalaro si Rogelio ng game of coins sa mini-carnival sa loob ng parking lot ng Robinson’s Mall, Brgy. Tinajeros nang pagsabihan siya ni John Errol Abuyen, 19, helper ng perya, na huwag ilagay ang kanyang kamay sa board game.
Nauwi ang dalawa sa mainitang komprontasyon at nang mapansin ni Rogelio na tila pagtutulungan siya nina Abuyen at dalawang kasamang helper na si Renato Corpuz, 23, at Marlon Lucañas, 21, ay humingi ito ng tulong sa kanyang mga kapatid at dalawang pinsan na agad nagpunta sa naturang lugar at kinompronta ang mga suspek.
Sa kainitan ng komprontasyon, naglabas ng kanilang patalim ang mga suspek at inundayan ng mga saksak sa katawan ang mga biktima.
Ayon kay Col. Tamayao, naaresto ang mga suspek ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 4.
Napag-alaman na ang mini-carnaval ay naiulat na nakakaakit ng mga mag-aaral, out-of-school-youth at mga kabataan sa ilegal na larong barya at color games at nagdudulot ng ingay hanggang sa magdamag.
Pahayag ng mga residente sa lugar na hihilingin nila sa hepe ng pulisya na irekomenda sa city government ang pagpapasara ng mini-carnival. EVELYN GARCIA/ VICK TANES
Comments are closed.