TATLONG NAAKTUHANG NANG-HOLDAP BULAGTA

holdaper

COTABATO CITY – TATLO katao na tinaguriang kilabot na holdaper ang napatay ng mga nagpapatrolyang pulis matapos na maaktuhang nangho-holdap ng dalawang estudyante sa lungsod na ito.

Kinilala ni Capt. Rostum Pastolero ng Cotabato City Police Office ang mga napaslang na kawatan na sina Boy Ali Dilalagan Lumilis alyas Boy, 23, may-asawa; habal-habal driver na si Jordan Abdullah; at Fahad Guiamadil Elid.

Ayon kay Capt Pastolero, habang sila ay nagpapatrolya sa Yapsea Street, Barangay Rosary Heights 10 nang mamataan nila ang mga suspek na lulan ng motorsiklo.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ay sinundan ng mga pulis ang tatlo at aktuwal nilang  nakita ang aktong pangho-holdap sa dalawang estudyante na naglalakad sa kalsada.

Sinita ng awtoridad ang mga suspek ngunit namaril ito kaya gumanti ng putok ang grupo ni Pastolero.

Hindi na umabot ng buhay ang mga suspek sa pagamutan dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Agad naman kinuha ng kani-kanilang mga kamag-anak ang bangkay ng tatlong holdaper. VERLIN RUIZ

Comments are closed.