MAGUINDANAO – PINATATANGGAL sa serbisyo ni PNP Officer in Charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang tatlong pulis sa Marantao na naaresto sa buy bust operation sa Parang.
Ayon kay Gamboa, iniutos niya kay PNP BARMM Regional Director Police Brig. Gen. Marni Marcos na agad simulan ang summary dismissal proceedings laban sa tatlong pulis.
Ito ay sina Patrolman Sandiali Mangundacan Manalao, Staff Sgt. Fahmi Bangon Como, at Master Sgt. Monjel Nassal Aradais.
Giit ni Gamboa, walang puwang sa kanilang hanay ang mga kahalintulad na mga pulis.
Nakumpiska kina Manalao, Como at Aradais ang 50 gramo ng shabu.
Nalulungkot din si Gamboa dahil natapat ang pag-aresto sa tatlo sa araw kung saan nagbuwis ng buhay ang isang tauhan ng PNP SAF nang kanilang isilbi ang search warrant laban sa isang drug suspect sa Marawi City.
Napatay si Staff Sergeant Reagan Salbino na miyembro ng PNP SAF nang manlaban ang target ng operasyon na si Abdullah Angantap Taurac ng Brgy. Lilod Saduc, Marawi City na napatay rin sa follow up-operation. REA SARMIENTO
Comments are closed.