HINDI bababa sa P4 bilyong halaga ng smuggled e-cigarette products ang nakumpiska ng Bureau of Customs sa tatlong warehouse sa magkakasunod na operasyon.
Ito ay matapos ang isinagawang operasyon ng mga tauhan ng BOC sa tatlong warehouse na naglalaman ng naturang mga produkto.
Ang operasyon ay sa bisa na rin ng Letter of Authority na inilabas ng Customs Commissioner.
Magkakasabay na sinalakay ng mga operatiba ang tatlong warehouse sa Quezon City, Malabon at Parañaque.
Sa isang pahayag, sinabi ng hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port na si Alvin Enciso, modus umano na unti-unting ipasok sa bansa at iniimbak naman sa Metro Manila.
Ayon kay Enciso, batay sa inisyal na impormasyon ay nagmula ito sa bansang China at sinasabing Filipino -Chinese ang nagmamay-ari nito.
Pansamantala namang isinara ang nasabing mga warehouse at hihintayin ang warrant of seizure and detention para mahakot at agad na masira ang mga smuggled e-cigarette.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang BOC sa posibleng masamang epekto sa kalusugan ng paggamit ng mga naturang produkto.
Nabatid na bilyon-bilyon ang nawawalang halaga ng duties and taxes na makakaapekto sa mga proyekto ng gobyerno.
Kasalukuyan namang ihinahanda na ang kasong paglabag sa Anti-Smuggling Law na isasampa laban sa mga may-ari ng tatlong warehouse.
EVELYN GARCIA