QUEZON-HINDI na nagawang maisugod pa sa ospital ang isang binatang tattoo artist matapos sumalpok sa hulihan ng nakaparadang truck ang sinasakyan at minamaneho nitong motorsiklo sa Maharlika Highway, bahagi ng Brgy. Mangilag Sur, Candelaria, Quezon dakong alas-2:30 ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Dan Kenneth Mendoza , 21- anyos, residente ng Caliya Subdivison, Brgy. Masin Norte.
Ayon sa Candelaria PNP, patungo sa direksyon ng bayan ng Sariaya Quezon ang biktima nang bumangga ito sa kaliwang hulihan ng nakahintong truck sa shoulder ng highway.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nakalabas sa outer lane ang kalahati ng nakahintong truck na hinihinalang hindi napansin ng biktimang rider.
Nagtamo ito ng grabeng pinsala sa ulo na agad nitong ikinasawi.
Nakikipag-usap naman ang driver ng truck na si Jumar Bismonte, 42-anyos, taga Brgy. Rawa, Malinao Albay at nakikipag-ayos sa pamilya ng biktima. BONG RIVERA