(Ni CT SARIGUMBA)
NAGING popular na ang pagkakaroon ng tattoo—mapababae man o lalaki. Kung may ilang tao na tila hindi pa rin tinatanggap ang pagpapalagay nito, may iba namang niyayakap ito.
Kunsabagay, iba-iba nga naman kung mag-isip ang marami sa atin. Iba-iba rin ang pagtingin sa mga bagay-bagay gaya na lamang ng pagpapalagay ng tattoo. Para sa ilan, marahil ay hindi nila ito maibigan ang paglalagay nito sa ano’t anumang dahilan. Pero para naman sa iba, isang alaala o magandang alaala ang kahulugan ng pagpapalagay ng tattoo. Minsan, kaya sila nagpapamarka sa katawan ay upang laging maalala o mabigyan ng kakaibang kahulugan ang naabot nilang achievements. May ilan namang dahil sa iniwan ng karelasyon o hindi naging maganda ang buhay sa karelasyon, nang maghiwalay ay nagpa-tattoo para sa pagtalunton o pagsisimula sa paghakbang sa panibagong mundo o daang kanilang tatahakin.
Iba-iba ang pakahulugan natin sa pagpapalagay ng tattoo.
Marami, na kapag may tattoo ang isang tao, tingin kaagad nila ay masama. Kesyo adik, masamang tao at kung ano-ano pa.
Hindi naman porke’t may tattoo ang isang tao, masamang tao na kaagad iyan o nagdudumi lang sa katawan para palagyan ng tinta at kung ano-anong design.
Gaya ng lahat ng bagay, ang pagpapalagay ng tattoo ay mayroong mas malalim na kahulugan.
Kung sa ilan ay kasama ito sa kanilang kultura, sa iba naman ay isa ito sa nagbibigay inspirasyon sa kanila. O kung minsan na-man ay paraan ng kanilang pagbabago.
Kumbaga, hindi basta-basta nagpapalagay ng tattoo ang isang tao nang hindi pinag-iisipang mabuti ang design, kung saan ito ipalalagay at kung sino ang gagawa ng nasabing obra.
APO WHANG-OD OGGAY, SIKAT MAGING SA FOREIGNERS
Naging sikat, hindi lamang sa bansa kundi maging sa foreigners ang tinaguriang Kalinga’s last mambabatok—si Apo Whang-Od Oggay. Maraming mga turista ang nagtutungo sa Buscalan Village para lamang magpa-tattoo.
Mambabatok ang tawag sa tattoo artist sa Kalinga na ang pinagbabasehan sa pagta-tattoo ay ang mga bagay na nakikita sa palig-id o mga bagay na naging parte ng pang-araw-araw na pamumuhay sa Kalinga.
Ilan sa halimbawa nito ay ang rice terraces, ladders at centipedes.
Gawa sa bamboo at lemon thorns na kasing talas ng razor ang ginagamit sa pagta-tattoo.
Sa pagde-design naman, ginagamit ang mahabang strip ng straight grass na idi-dip ito sa mixture ng charcoal at water.
DAHILAN NG PAGPAPALAGAY NG TATTOO
Sa mga babae sa Kalinga, ang pagkakaroon ng tattoo ay nangangahulugan ng coming of age. Kung nag-iisa kang anak. O kaya naman, dalaga ka na at puwede ka ng mag-asawa.
Samantalang sa mga kalalakihan, mayroon itong symbolic significance. Simbolo ito ng katapangan. Nilalagyan sila ng tattoo da-hil sa ipinakita nilang katapangan. Kung minsan nga, kailangan pang magdala ng ulo ng napatay na kaaway upang magkaroon ng tattoo. Kumbaga, bawat pagkapanalo sa labanan at napapatay na kaaway, mayroon itong katumbas na tattoo na simbolo bilang medalya nila.
Achievements, iyan din ang daan kaya’t napusuan ko ang magpa-tattoo.
BAKIT NGA BA MAHALAGA ANG DESIGN?
Kung para sa ilan, ang pagpapalagay ng tattoo ay pagdudumi lang sa katawan, sa mga mayroon nito, isa itong alaala—magandang alaala. Kaya naman, laging pinag-iisipan ang disenyo ito.
Mahalaga ang design. Una, dahil ang tattoo ay permanente at hindi na ito mabubura. O kung mabura man, mahirap.
Kaya dapat ay siguradong-sigurado ka sa disenyong ipalalagay mo. Ako, ang naging batayan ko ay ang mga paborito ko—libro, pusa na may scarf, papel at lapis.
Bukod sa mga nabanggit ay malapit na malapit sa aking puso, ito rin ang mga naging daan upang makayanan ko ang bawat da-gok ng buhay. Patuloy rin itong nagbibigay sa akin ng pag-asa.
May ilan din namang ang ipinalalagay na tattoo ay mga paborito nilang artista.
Nang mamili ako ng design, siguradong-sigurado na ako sa kung ano ang magiging hitsura nito. May dahilan din naman kung bakit nagpapalagay ng tattoo ang marami. May meaning kumbaga. Pero bago magpalagay ng kahit na anong tattoo, dapat ay pag-isipang mabuti ang design.
Kaya sa mga gustong magpalagay ng tattoo, dapat ay gustong-gusto mo ang design nang wala kang pagsisihan.
PAG-IISIP KUNG SAAN ITO ILALAGAY
Saang parte man ng katawan mo gustong ipalagay ang tattoo, puwedeng-puwede. Iyon nga lang ay may mga lugar na masasa-kit o sobrang sakit.
Mas pinili ko sa likod, sa may baba ng balikat. Hindi siya gaanong pansinin puwera na lang kung ilalabas o ilalantad ko ang likod ko.
Hindi rin gaanong masakit sa parteng iyon.
Kadalasan din, sa braso o kaya naman hita at binti nagpapalagay ang ilan.
PAGPILI NG TATTOO ARTIST
Sa panahon ngayon, ang dami-dami nang magagaling na tattoo artist. Pero kapag magaling at sikat, asahang pang-sikat din ang presyo nito.
Pero kung magtitiyaga ka naman o may mga kakilala ka, makatatagpo ka ng magaling na tattoo artist ngunit abot-kaya lang sa bulsa.
Kung magpapa-tatto nga lang naman, mas mabuti na ring magaling ang pagagawain mo nang hindi magkamali. Siguraduhin ding maingat ang tattoo artist, hindi lamang maingat na mag-tattoo kundi maingat din sa mga kagamitan o gagamitin nila sa pagta-tattoo.
May ilan ding tattoo artist na sabihin mang magaling at sanay na sanay na sa kanilang ginagawa ay mabigat pa rin ang kamay. Ibig sabihin nang mabigat ang kamay, masakit sila kung mag-tattoo.
Sinuwerte ako sapagkat bukod sa magaling ang nagta-ttoo sa akin ay napakagaan pa ng kamay nito. Halos wala akong na-ramdamang sakit. Inantok pa nga ako.
Sobrang natuwa rin ako sa kinalabasan, saktong-sakto at maayos na maayos na nai-tattoo sa likod ko ang nais ng aking isipan.
Iba-iba ang dahilan kung bakit nagpapa-tattoo ang marami. Pero para sa akin, ang tattoo ay sining ng alaala.
Comments are closed.