NAGPASABOG si Jayson Tatum ng 43 points sa kanyang unang triple-double sa season upang pangunahan ang NBA champion Boston Celtics sa 123-98 panalo laban sa Chicago Bulls at maiganti ang kanilang pagkatalo, ilang araw pa lamang ang nakalilipas.
Nagdagdag si Tatum ng 16 rebounds at 10 assists sa isang dominant performance sa Chicago, ibinuslo ang 16 sa kanyang 24 shot attempts at siyam sa 15 mula sa three-point range.
Sinamahan ni Tatum si Larry Bird bilang tanging Celtics player na nagtala ng 40-point triple-double.
Sinamahan din niya si current Clippers star James Harden bilang tanging players na umiskor ng hindi bababa sa 40 points, 15 rebounds, 10 assists at 9 na three-pointers sa isang laro.
@It’s all about finding your moments to accommodate the game,” sabi ni Tatum, at idinagdag na, “coach Joe Mazzulla tries to get me to dominate and amplify my teammates and make guys better”.
Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 22 points at kumabig si Jaylen Brown ng 19 para sa Celtics, na ginulantang ng Bulls sa kanilang home floor, 117-108, noong Huwebes.
Gumawa si Nikola Vucevic ng 19 points at kumalawit ng 10 rebounds upang pangunahan ang Bulls habang nalimitahan si Zach LaVine, kumamada ng 36 noong Huwebes, sa 14 points.
Umangat ang Celtics sa 22-6 upang manatiling nakadikit sa Eastern Conference-leading Cleveland Cavaliers, na nahila ang kanilang league-best record sa 25-4 sa 126-99 panalo kontra Philadelphia 76ers.
Nagbuhos si Darius Garland ng 26 points upang pangunahan ang anim na Cavs players sa double figures.
Nakalikom si Tyrese Maxey ng 27 points upang pamunuan ang Sixers, na ang star center na si Joel Embiid ay hindi naglaro.
Sa iba pang laro, dinispatsa ng Los Angeles Lakers, sa pangunguna ni LeBron James na may 32 points, ang Sacramento, 103-99 — ang kanilang ikalawang panalo sa tatlong laro sa Kings’ Golden 1 Center.
“These two wins have been about us doing the little things, because we have not been able to shoot the ball into the ocean,” sabi ni James makaraang kumonekta ang Lakers sa 48.2 percent ng kanilang tira overall — at siyam lamang sa 35 mula sa three-point range.
“But we’ve been able to win these two games in this hostile environment because we’ve done a lot of the little things, and defensively we’ve been on point.”
Sa Milwaukee, hindi naglaro si Giannis Antetokounmpo dahil sa back spasms at na-sideline si Damian Lillard sanhi ng calf strain.
Subalit nag-step up si Bobby Portis upang umiskor ng 34 points at pamunuan ang Bucks sa 112-101 panalo kontra Washington Wizards.
Bumawi ang Golden State Warriors mula sa stunning 51-point loss sa Memphis noong Huwebes sa 113-103 panalo kontra Minnesota Timberwolves.
Isinalpak ni Warriors star Stephen Curry, nagmintis sa lahat ng kanyang pitong attempts noong Huwebes, ang pitong three-pointers tungo sa 31 points at nagbigay ng 10 assists.
Samantala, umiskor si San Antonio Spurs star Victor Wembanyama ng 30 points at napantayan ang kanyang career high na may 10 blocked shots nang ibasura ng Spurs ang Portland Trail Blazers, 114-94.
Tumirada si Jalen Brunson ng 39 points upang tulungan ang New York Knicks sa 104-93 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Subalit hindi sapat ang 43 points ni Kevin Durant para sa Phoenix Suns, na yumuko sa bisitang Detroit Pistons, 133-125.