SUPORTADO ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang Martial law sa Mindanao ng isa pang taon.
Sinabi ni Enrile na hindi naman “imbensiyon” ni dating pangulong Ferdinand Marcos o ni Pangulong Duterte ang batas militar.
Matapos aprubahan ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang hiling na Martial law extension ng Pangulo, sinabi rin ni Enrile na hindi dapat mabahala ang taumbayan sapagkat may mga hakbang na sa Konstitusyon na naniniguradong hindi aabusuhin ang batas militar.
“You know, martial law is not an invention of Marcos or Duterte. It is an invention of the people, and they put that invention in their constitution to be used by the President of the country, whoever that President is at any given time, when necessity requires its use. It is not for the protection of the ruling elite or the wielders of power, but for the protection of the public. That’s why the basic condition is public safety,” sinabi ng dating senador.
Ayon kay Enrile, na dati’y nanungkulan bilang Defense Minister at Secretary of Justice, kailangang magtiwala ang publiko kay Duterte sapagkat siya ang nakaaalam sa estado ng seguridad sa Mindanao.
Binanggit din ni Enrile na may mga probisyon sa Saligang Batas na pipigil sa anumang pang-aabuso habang nakapailalim sa batas militar ang nasabing rehiyon.
Noong Miyerkoles, inaprubahan ng Kongreso ang kahilingan ni Pangulong Duterte na palawigin ang batas militar sa Mindanao hanggang Disyembre 2019. Nasa 235 na mga mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapalawig, habang 28 naman ay kumontra, at isa ang nag-abstain.
Sa kanyang pakikiusap sa Kongreso, binanggit ni Pangulong Duterte ang “hostile activities” tulad ng mga pagsabog na nagaganap sa Mindanao bilang pangunahing dahilan kung bakit kinakailangan ng mga natatanging hakbang upang panatilihin ang seguri-dad at kapayapaan sa rehiyon.
Comments are closed.