NANAWAGAN si dating Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali sa mga kritiko na ‘wag iligaw at linlangin ang isip ng kanyang mga kalalawigan para lamang maisulong ang mga pansariling interes.
Reaksiyon ito ni Umali sa sunod-sunod na atake sa kanyang pamilya sa media kaugnay sa isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ayon sa dating go-bernador, wala pa silang natatanggap na desisyon ng Office of the Ombudsman hinggil sa sinasabing pagkakabasura sa kanyang motion for reconsideration.
“Hindi po natin alam kung saan nila nakuha ‘yung kanilang interpretas-yon na bawal na raw tayong tumakbo sa anumang elective position. Well, this is absolutely politics clearly designed to condition the minds of my beloved Novo Ecijanos. This is a reflection of their desperation, nagmamadali sila nang wala sa katwiran para mapangunahan ang hatol ng bayan,” wika ni Umali.
Iginiit pa ng 3-term governor na asawa ng kasalukuyang gobernadora ng Nueva Ecija na si Gov. Cherry Umali, na dugo at pawis ang ipinuhunan ng kanyang pamilya at supporters para mabigyan ng totoong pagbabago ang Nueva Ecija.
“It’s too early para mamulitika. Dapat sana ay nagseserbisyo sila hindi puro dakdak sayang ang pera ng taumbayan na ginagamit nila sa paninira ng kapwa,” giit ng dating gobernador.
Nagmimistula aniyang ‘gradeschool’ ang argumento ng kanyang mga kalaban sa politika dahil sa pagpapalabas ng mga moro-morong balita.
“Huwag n’yo naman gawing ignorante sa batas ang taumbayan,” ani Umali.
Samantala, naniniwala ang dating gobernador na reversal order ang ilalabas na desisyon ng Office of the Ombudsman dahil malinaw na pamumuliti-ka at ‘sourgraping’ lamang ang motibo ng isinampang kaso laban sa kanya noong 2008.
Binabalikan lamang umano siya ng mga kalaban sa politika lalo na ang complainant na si dating vice governor Edward Joson na tinalo niya sa pagkagobernador noong 2010 elections.
Katunayan aniya, halos 40 kaso na ang isinampa ng Joson at pamilya Vergara laban sa kanya, subalit nababasura lamang ang mga ito.
“Hanggang ngayon wala silang tigil sa pamumulitika sa atin. Gagawin nila ang lahat ng paraan para dungisan ang hangarin nating magserbisyo ng tapat sa ating mga kalalawigan,” pahayag ni Umali.
Sa kabila nito, iginiit ng dating gobernador na hindi siya aatras sa laban at lalong hindi isusuko ang pangarap ng mga Novo Ecijano na manatili ang matapat at matinong serbisyo sa tao.
“Malinaw naman po ang atake ng mga kalaban natin sa politika para pabagsakin ang ating hangarin na bigyan ng bago at alternatibong serbisyo-publiko ang ating mamamayan. Bagay po na hindi natin puwedeng payagan. Tuloy ang ating pagseserbisyo at tuloy ang serbisyong matapat para sa aking kalalawigan,” pagtatapos ni Umali.
Comments are closed.