TAWA-TAWA MAY PAG-AARAL BILANG PANGONTRA SA DENGUE

‘HANGGA’T wala pang bakuna sa dengue, at sa gitna ng patuloy na paglobo ng kaso nito, aminado  ang mga eksperto na may mga pag-aaral na sa tawa-tawa o jathropa bilang panggamot sa nasabing sakit.

Sa datos ng Department of Health (DOH), hanggang September 16, 2024, pumalo na sa 208,000 ang kaso ng dengue sa bansa.

Kaya naman patuloy ang paaalala ng mga eks­perto na maging katuwang ang lahat na puksain ang mga pinamumugaran ng dengue-carrier mosquito o lamok na nagdudulot ng nasabing sakit.

Sa usaping ito, ang tawa-tawa o jathropa ay nagiging sandigan ng maralitang pasyente subalit paalala ni Dr. Rey Salinel, Infectious Disease specialist na dapat pa ring may gabay ng doktor.

Sa isang radio programa, inamin ni Dr. Salinel na may mga pag-aaral hinggil sa tawa-tawa.

“May pag-aaral na ginagawa ang ating siyensiya sa  tawa-tawa,” ayon kay Salinet.

Payo pa ng dalubhasa sa mga pasyente, kapag may naramdaman gaya ng lagnat at pananakit ng ulo ay huwag ipagwalang bahala at agad magtungo sa ospital.

Upang maagapan ang sakit at hindi maging huli, otomatikong magtungo sa fast lane sa ospital para sa dengue patient.

Samantala, isa pang sakit mula sa kagat ng lamok ay chikungunya at dapat aniyang maging alerto ang lahat para rito.

“Kagat din ng lamok iyon, ibang virus yun pero  ganundin parang trangkaso  masakit kasu-kasuuan  grabe po talaga  until lalabas very typical rash at kabiilang sa sintomas ay ang matinding sakit ng buto,” ani Salinel.

Payo pa ng dalubhasa, hangga’t walang bakuna sa dengue at iba pang sakit dapat maging malinis sa paligid habang kumonsulta pa rin sa doktor.

EUNICE CELARIO