TAX AMNESTY

KAPOS na sa panahon o sadyang walang plano ang dalawang kapulungan ng Kongreso na pagtibayin ang panukalang General Tax Amnesty para masagip ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ‘shortfall’ sa tax collections ngayong fiscal year.

Kabaligtaran naman ang sitwasyon sa Bureau of Customs (BOC) na kahit paano ay malaki ang tsansang makuha ang iniatang sa kanilang tax collection goal.

Dismayado si Finance Secretary Benjamin Diokno sa performance ng BIR sa mabilis na pagbagsak ng tax colelctions sanhi ng suspensiyon ng tax audit and investigations na nilagdaan mismo ni former Revenue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay bago ito bumaba sa puwesto na hindi naman agad na-lift ni BIR Commissioner Lilia Guillermo at umano’y siyang ugat ng ‘shortfall’ sa tax collections.

Bagama’t unti-unti na ring inalis ni Guillermo ang tax suspension hanggang sa lumaon ay binawi na rin ito. Subalit nagahol na sa panahon ang mga tax examiners and investigators para habulin ang mga tax evaders at kulang na sila sa oras o panahon para makuha ang iniatang sa kanilang tax collection goal mula Enero hanggang sa pagtatapos ng taong 2022 sa Disyembre.

Ang BIR ay inatasang kumolekta ng P3.312 trilyon ngayong fiscal year mula buwan ng Enero hanggang Disyembre. Ito ay mas mataas ng 12.4 percent kumpara sa 2021 goal na P2.942 trilyon na mas mataas din ng 12.42 porsiyento kumpara sa sinundang taong 2020.

Wala ni isang nagpaparamdam sa hanay ng mga kongresista o senador kung magpapatupad ng panibagong General Tax Anesty na kadalasang ginagawa sa mga panahong ang anumang collection agency sa bansa ay nakararanas ng matinding shortfall sa pagkolekta ng buwis.

Tanging Administrative Tax Amnesty ang inaasahan ng mga revenuers para mahabol ang shortfall. Ang Administrative Tax Amnesty ay mangangailangan lamang ng lagda ni Secretary Diokno sa rekomendasyon ni Commissioner Guillermo para mabilis na maipatupad at mabilis ding mahabol ang tax evaders.

Sa kasalukuyan, ayon sa source, ang ilan pa lamang sa mga naka-meet ng kanilang tax collection goal ay sina Manila BIR Regional Director Albin Galanza, South Makati BIR Regional Director Jethro Sabariaga, Makati City BIR Regional Director Dante Aninag, Quezon City BIR Regional Director Bobby Mailig, Caloocan City BIR Regional Director Gerry Dumayas at San Fernando, Pampanga BIR Regional Director Antonio Jonathan Jaminola.

Sa hanay ng mga Revenue District Officers ay ilan pa lamang din ang nakatitiyak na makukuha ang kanilang tax collection goal at ang mga ito ay sina Tondo Manila RDO Arnulfo Galapia, South QC-RDO Antonio Ilagan, Novaliches RDO Rodel Buenaobra, North-QC RDO Abdullah Bandrang, Cubao RDO Alma Celestaial Cayabyab, Pasig City RDO Deogracias Villar at Bulacan East-RDO Antonio Mangubat, Jr.

Ang isa pa sa umano’y pinakamatinding suliranin ng Kawanihan ay ang sinasabing patuloy na pagbagsak ng tax collections ng Large Taxpayers Service (LTS) na nag-iimbestiga sa 1st 5,000 big-time corporations sa bansa kung saan ang 60% ng kabuuang tax goal ng BIR ay ito ang may mandatong kumolekta habang ang 40% collections ay mula sa regional at district levels o yaong tinatawag na medium and small taxpayers sa bansa.

Napunan lamang ang shortfall na tinatamo ng LTS sa pamamagitan ng buwis na nakokolekta ng regional at revenue district levels mula sa bulto ng koleksiyon nito sa National Capital Region o mula mismo sa mga distrito na nasasakop ng City of Manila, Quezon City, Makati City, Caloocan City, South NCR at East NCR, gayundin sa Cordillera Administrative Region (Car), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SoocckSargen, Caraga at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, kapuna-puna ang ginagawang paghihigpit sa main office ng BIR sa mga news reporters na nagko-cover sa Kawanihan.

Walang paliwanag kung bakit tila banned ang sinuman para ma-interview ang mga opisyal ng Kawanihan.

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].)