TAX AMNESTY APRUB NA

SENATOR-SONNY-ANGARA

ISANG hakbang na lang, ganap nang magiging batas ang general tax amnesty bill na ini-sponsor ni Senador Sonny Angara matapos itong ratipikahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso kahapon

Layon ng naturang batas na bigyan ng kaukulang pagkakataon ang mga taxpayer na ‘di nakapagbayad ng kaukulang buwis  mula sa taong 2017 pababa. Isang taon ang ibinibigay na amnestiya sa mga ito upang mabayaran ang kanilang mga pagkakautang sa ­gobyerno.

Inaasahang sa pamamagitan ng batas na ito, makalilikom ang pamahalaan ng tinatayang P41-B na gagamiting pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura at pandagdag budget sa tulong ng gobyerno sa mga apektado ng  Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.

“Panibagong hakbang ito na sisigurong may mahusay tayong paraan sa paglikom ng buwis,” ani Angara.

Ang bicameral report ay resulta ng pagpupulong ng dalawang kapulungan ng Kongreso na nagsaayos sa tax amnesty bill proposal ng dalawang panig.

Ngayong ratipikado na ito ng Mataas na Kapulungan at ng Kamara, handa na ito sa pagbusisi ng Malacanang para naman sa pagpapatibay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ani Angara, malaking benepisyo ang idudulot ng panukalang ito  sa bawat Filipino, partikular sa mga may usapin sa estate taxes na naiwan ng mga yumaong  mahal sa buhay.

Dagdag pa ni Angara, magandang panimula rin ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sapagkat malilinis nila ang kanilang dockets at maayos nang makatutugon sa kanilang tungkulin sa paglilikom ng buwis.

Dalawang taon matapos ang implementasyon ng batas, maaaring humingi ng palugit ang taxpayers na may suliranin sa estate taxes subalit kailangan muna nilang bayaran ang anim (6) na porsiyento  ng kabuuang halaga nito.

Nilinaw ni Angara na ang mga nagnanais sumailalim sa tax amnesty ay may dalawang pagpipilian: bayaran ang dalawang (2) porsiyento ng kabuuang assets o limang (5) porsiyento ng halaga ng buong ari-arian nito mula Disyembre 31, 2017.

Ang mga individual taxpayer naman na pipili sa ikalawang opsiyon ay kailangang magbayad ng limang (5) porsiyento ng kanilang total net worth, habang ang mga korpo­rasyong nangapital lamang nang mas mababa sa P5 milyon ay kinakailangang magbayad ng limang (5) porsiyento ng total net worth nito o kaya  nama’y halagang P100,000 .

Ang mga korporasyong may capital na P5 milyon hanggang P20 milyon ay maaaring magbayad ng 5 porsyento o halagang P250,000; ang mga may subscribed capital na P20 million hanggang P50 million ay dapat magbayad ng 5 percent o P500,000 at ang mga korporasyong may subscribed capital na P50-M pataas ay kailangang magbayad ng 5 percent nito o P1-M.

Malaking diskwento naman ang ibibigay sa mga maagang maghain ng general tax amnesty tulad ng 20 percent discount kung makababayad sila sa loob ng tatlong buwan matapos ang implementasyon ng batas; 15 porsiyento kung makapagbabayad nang mula apat na  buwan hanggang anim na buwan at 10 percent discount sa mga makapagbabayad ng mula ikaanim na buwan ng implementasyon hanggang ikasiyam na buwan.

Lahat ng kukuha ng tax amnesty ay  kaila­ngang may dalang kumpletong papeles tulad ng General Amnesty Tax Return at isang notarized na Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Ani Angara, malaking pagkakataon ito para sa mga tax evader na makapaglinis ng kanilang utang sa gob­yerno .

Malinaw ding nakasaad sa panukala na ina­atasan ang Department of Finance at ang iba pang financial institutions ng gobyerno na habulin ang mga tumatakas sa pagbabayad ng buwis sa kabila ng ibinibigay na amnestiyang ito.

Binalaan din ni ­Angara ang mga ‘di awtorisadong magsiwalat sa nilalalaman ng mga tax amnesty return at sa mga dokumentong kaakibat nito dahil may kaukulan aniyang parusa ito, base sa tax amnesty bill.

Kung ang mga mapatutunayang nagkasala ay mula sa pribadong sektor, sila ay papatawan ng multang  P150,000 at pagkakulong nang hanggang 10 taon.

Samantala, kung ang mga lumabag naman ay mula sa hanay ng gobyerno, sila ay kailangang magmulta ng hanggang P1-M, pagkabilanggo nang hanggang limang taon at aalisan na ng karapatang makapasok muli sa anumang sangay ng pamahalaan.  VICKY CERVALES

Comments are closed.