LUNGSOD NG MALOLOS – Sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 478-T’18, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang Kautusan Blg. 62-2018 o “Isang Kautusan na Naggagawad at Nagbibigay ng Kaluwagan (Tax Amnesty) sa Lahat ng Mamamayan sa Kanilang mga Buwis sa Ari-ariang Di-natitinag (Real Property Tax) sa Pamamagitan ng Pag-alis o Pagbawas ng Interes o Penalty” na may bisa mula Oktubre 19, 2018 hanggang Marso 31, 2019.
Ayon sa Provincial Tax Amnesty Ordinance of 2018, sakop ng tax amnesty ang delinquent real property taxes para sa taong 2017 pababa sa lahat ng 21 bayan ng Bulacan maliban sa mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose del Monte.
Maaaring magbayad ng bahagi lamang ng pagkakautang sa amilyar na ibabawas mula sa kabuuan at ang anumang bayarin na matitira sa katapusan ng bisa ng tax amnesty ay magkakaroon muli ng multa o interes.
Ayon kay Acting Governor Daniel Fernando, ang Tax Amnesty Ordinance ay bunga ng kahilingan at panukala ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na ipinadala sa Sangguniang Panlalawigan.
“Lubos na napinsala ng mga nagdaang bagyo at Habagat ang ating lalawigan na nagresulta sa pagkasira ng maraming pananim at produktong agrikultural. Ang tax amnesty na ito ay isang paraan ng Pamahalaang Panlalawigan upang bigyang luwag sa pagbabayad ng buwis ang ating mga kalalawigan.”, ani Fernando.
Ipinaalala rin niya na upang hindi magkaroon ng multa o interes ang mga bayaring amilyar, marapat lamang na magbayad ng amilyar sa tamang panahon. A. BORLONGAN
Comments are closed.