ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang magbibigay ng tax break o tax incentives sa mga doktor na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap na pasyente.
Sa House Bill 7631, ipinanukala ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na ibawas ang naturang tax credits sa gross income ng mga doktor.
Umaasa ang kongresista na sa pamamagitan ng nasabing panukala ay mas marami pang doktor ang mahihikayat na magbigay ng libreng serbisyo para sa indigent patients.
Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang Department of Health (DOH) at Philippine Medical Association (PMA) na i-evaluate ang naturang pro bono services, haba ng oras ng trabaho at kung anong uri ng treatment o serbisyo ang ibinigay ng isang doktor.
Bagaman nakasaad din sa Saligang Batas na dapat isulong ang free medical care para sa mga mahihirap ay malaki pa rin, aniya, ang kakulangan ng bansa sa mga doktor para tugunan ito.
Aniya, batay sa global average, ang dapat na doctor to patient ratio ay nasa 1:6,600, ngunit dito sa Filipinas, ang ratio noong 2019 ay umaabot na sa 33,000 na pasyente sa bawat doktor. CONDE BATAC
Comments are closed.