BUONG puwersang ginalugad ng regional office ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng business establishments sa Caloocan City; Valenzuela City; Malabon/Navotas; Plaridel, Bulacan; at Sta. Maria, Bulacan na siyang ugat ng pagtaas ng tax collections ng kawanihan sa koordinasyon ng mga negosyante.
Sa kanyang report kay BIR Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa, sinabi ni Caloocan City BIR Regional Director Grace Javier na dahil sa magandang koordinasyon ng gobyerno at taxpaying public, umaasa silang matutugunan ang iniatang sa kanilang tax collection goal hanggang buwan ng Disyembre o bago matapos ang taxable year 2019.
Nanguna sa overall tax collections si Sta. Maria, Bulacan Revenue District Officer Jose Edimar Jaen; pumangalawa si Valenzuela City RDO Rufo B. Ranario; pangatlo si Plaridel, Bulacan RDO Elmer Carolino; pang-apat si Navotas/Malabon RDO Alfredo Santos at sumusunod si Caloocan City RDO Miguel Morada, Jr.
Ikinatuwa ni DepCom Guballa ang gumagandang tax collection performance ng Valenzuela City sa ilalim ng liderato ni RDO Rufo Ranario. Magmula nang italaga si RDO Ranario sa nasabing distrito ay muling sumigla ang koordinasyon ng mga business establishment na dahilan ng paglobo ng tax collection nito.
Ang gumagandang tax collection performance ng Caloocan City BIR Regional Office sa ilalim ng pamamahala ni Director Garce Javier ay tumutugma sa medium-term program ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ukol sa koleksiyon sa buwis na tataas ng hanggang 10.5 percent mula sa P3.149 trillion sa taong ito, 12.3 percent para sa 2020, P3.536 trillion o 11.8 percent sa 2021 na P3.953 trillion at 11.7 percent naman o P4.416 trillion para sa 2022.
Kung magpapatuloy ang ganitong sistema ng pangongolekta ng buwis, hindi malayong makamit din nina Metro Manila BIR Regional Directors Jethtro Sabariaga (BIR Manila), Romulo Aguila, Jr. (Quezon City-B); Albin Galanza (QC-A), Glen Geraldino, (Makati City-B); at Maridur Rosario (Makati City-A) ang kani-kanilang tax collection goal sa pagtatapos ng 2019 taxable year.
Paliwanag ni DepCom Guballa, ang BIR ay naatasang kumolekta ng P2.271 trillion sa taong ito, P2.576 trillion sa 2020, P2.914 trillion sa t2021 at P3.287 naman sa 2022.
Pahayag naman ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, bukod sa malaking iniatang na tax collections sa BIR, inaasahan din ng DOF na ang Bureau of Customs (BOC) ay makatutugon sa iniatang sa kanilang buwis na gaya ng P661 bilyon ngayong taon, P731 bilyon sa 2020, P813 bilyon sa 2021 at P900 bilyon naman sa 2022.
Sa kabuuan, paliwanag ni Secretary Sonny, ang tax collections ng BIR at BOC bago matapos ang taong ito ay aabot sa P2.995 trillion, P3.32 trillion sa 2020, P3.332 trillion sa 2021 habang aabot naman sa P4.17 trillion sa fiscal year 2022.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.