AGRESIBO ang dalawang collection agencies ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pag-ibayuhin pa ang pangongolekta ng buwis — Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) — para makuha ang kani-kanilang tax collection goal ngayong fiscal year.
Ganito ang gustong mangyari ni Finance Secretary Ralph Recto sa kanyang tagubilin kina BOC Commissioner Bienvenido Rubio at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. upang masigurong makukuha ang iniatang sa kanilang tax goals.
Sa kanyang direktiba sa lahat ng opisyal ng Rentas Internas, pinasusuyod ni Commissioner Lumagui ang lahat ng sulok at sentro ng kalakalan sa bansa at pinakakasuhan ang mga patuloy na nandaraya at hindi tutupad sa kanilang yearly tax obligations.
Inatasan naman ni Commissioner Rubio ang lahat ng opisyal ng Aduana na higpitan at bantayang maigi ang pasilidad ng BOC upang mapigil ang smuggling activities at kasuhan sa korte ang mga nasa likod ng ganitong gawain.
Sa kasalukuyang fiscal year, ang tax collection goal ng BIR ay P3.44 trilyon. Ito ay 99.19% ng kabuuang inaasahang P3.464 trilyon na buwis para sa taong ito.
Ang BOC naman ay nakakolekta ng kabuuang P77.793 bilyon noong Mayo 2023. Ito ay P5.443 bilyon o 75.52% na mas mataas sa kanilang target collection na P72.350 bilyon at itinuturing Itong isang kamangha-manghang paglago na P11.505 bilyon o 17.36% kumpara sa koleksiyon noong nakaraang taon.
Sa kasaysayan ng Aduana, ngayon lang aabot sa halos P1 trilyon ang tax goal ng BOC kung kaya kailangan nilang magsipag at kumayod nang husto.
Isinagawa ng BIR ang motorcade upang ipakita ang presensiya at determinasyon sa pagpapatupad ng batas. Ang tax-mapping ay inilunsad para sa tamang proseso ng pagtukoy at pag-verify ng mga negosyo at sa pagsasampa ng tax evasion sa korte laban sa mga tax evaders ay alinsunod sa batas.
Pinangunahan sa Metro Manila nina BIR Regional Directors Dante Aninag (Makati City), Edgar Tolentino (South-Makati), Bobby Mailig at Antonio Ilagan (Quezon City), Albin Galanza (East-NCR Pasig City), Renato Molina at Saripoden Bantog (City of Manila) at Wrenolph Panganiban at Corazon Balinas ang massive tax campaign.
Habang sinuyod naman sa pamamagitan ng motorcade ang buong Metro Manila nina Revenue District Officers Reymund Ranchez, Romel Morente, Fritz Buendia, Caroline Takata, Rebe Detablan, Cherry Ibaoc, Trinidad Villamil, Jefferson Tabboga, Rodante Cavallero, Alexander Onte, Renato Mina, Lorenzo Delos Santos, Yolanda Zafra, Mary Ann Canare, Rommel Toldntino, Linda Grace Sagun, Alma Celestal Cayabyab, Marco Yara, Clea Marie Pimentel, Celestino Viernes, Renan Plata, Abdullah Bandrang, Deogracias Villar, Esther Rhoda Formoso, Ruel Cosinas, Agakhan Guro, at Dennis Floreza.
Umaasa si Secretary Recto na sa taong ito ay magtatagumpay ang BIR at BOC na makokolekta nila ang kani-kanilang tax collection goal para matugunan ang lahat ng pangangailangan sa gastusin ng bansa.