TAX EXEMPTIONS NG SPARE PARTS NG EROPLANO OK SA DTI

Eroplano

PUMAYAG  na ang Department of Trade and Industry sa panukalang bigyan ng tax exemptions ang pagpasok sa bansa ng  spare parts ng mga eroplano.

Nauna nang ipinanukala ng kompanyang Lufthansa Technik Philippines (LTP) ang tax exemptions na ipapaloob sa Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (Citira).

Sa nasabing  proposed tax package, ang imported raw materials ay mananatiling exempted sa import duties at value-added tax.

Inihirit ng LTP na dapat ay bahagi rin ng nasabing batas ang tax exemptions sa  spare parts dahil sa kahalagahan nito sa tinatawag na aircraft maintenance, repair and overhaul (MRO).

Samantala, nilinaw naman ni  LTP president at CEO Elmar Lutter na masyadong mabigat ang mga ipinapataw na buwis sa kanilang sektor at pinangangambahang isara na nila ang kanilang operasyon sa bansa dahil sa matinding gastos.

Paliwanag naman ni DTI Secretary  Ramon Lopez na sa bagong binubuong bersiyon ng Citira ay kailangang malinaw na maisulat sa probisyon nito na ang aircraft spare parts ay dapat maisama sa MRO industry.

Layunin ng Citira na unti-unting maibaba ang corporate income tax dahil ang Filipinas ang may pinakamataas nito sa buong Southeast Asia.

Nasa 3,200 ang  mga empleyadong Pinoy  ng  LTP  na binubuo ng mga qualified aviation professionals.

Comments are closed.