TAX FORUM PARA SA PASIGUEÑO TAGUMPAY

TAX FORUM

PASIG CITY – NAPUNO ang Tanghalang Pasigueño ng mga tax payer na interesado sa apat na oras na seminar-forum para sa bagong hakbang at polisiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na itinaguyod ng Revenue Region 7-Quezon City: Revenue District Office 43-Pasig na may temang Para Sa Inyo, Maging Tapat Tayo: Serbisyong, Buwis Na Sapat.

Nagsimula ang tala­kayan ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon kung saan nanguna sina RR7-QC Regional Director Romulo L. Aguila Jr., Assistant Regional Director Albino M. Galanza, Revenue District Officer – 43 Rufo Ranario at ARDO-43 Cynthia Y. Lobo.

Tatlong major topic ang tinalakay sa mga tax payer  at ang mga ito ay Ease of Doing Business (RA No. 11032) na pinangunahan ni ACIR Teresita Angeles; TRAIN Law (RA No. 10963) at Amnesty Act of 2017 (RA No. 11213) na ini-lecture ni Marivic Galban, HREA, HRDS.

Naging mabunga ang talakayan kung saan marami ang nakibahagi mula sa mga dumalo.

Sa closing remarks ni Galanza, pinayuhan nito ang mga kasamahan sa kawanihan at  tax payer na gaya ng kanilang bagong logo at slogan para ngayong taon, ma­ging tapat ang lahat, at magbuwis ng sapat.

Samantala, sa pana­yam ng PILIPINO Mirror kay RDO Ranario, ang pinuno ng RDO 43-Pasig City, ang ginawa nilang summit ay upang malinawan sa kanilang mga tax payer ang kahalagahan ng updated filing para sa income tax return (ITR) sa Abril.

Isa rin aniyang magandang hakbang ang katatapos na forum para sa sabayang pakikipag-usap ng BIR sa mga nagbubuwis na layuning malinawan.

Sinabi rin ni Ranario na napapanahon ang forum para alam ng mga tax payer ang gagawin para sa filing ng ITR at maiwasan ang pagkakamali.

Habang isa ring pamamaraan ng kawanihan na makalikom ng tamang buwis dahil lu­malawak ang kaalaman ng publiko sa pagbubuwis.

Positibo rin si Ranario na dahil sa Ease of Doing Business ay nabigyan ng tips ang mga tax payer upang  hindi na mahihirapan pang maka-comply sa mga requirement ng BIR.

Pabor din sa bawat panig ng BIR at ng tax payer ang tinalakay sa tax amnesty dahil sa posibilidad na maiwasan ang kaso o mapababa ang babayarang buwis.

Aniya, naipaliwanag ding mabuti ang layunin ng TRAIN Law na ina­asahang susi para makamit ng BIR ang target collection  para ngayong taon.

Umapela rin sa Ranario sa mga tax payer ng Pasig City na agahan ang filing ng ITR. EUNICE C.

Comments are closed.