MAHIGPIT na nakikipag-ugnayan ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang justice at labor departments, upang masiguro na ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations (POGO) ay sumusunod sa tax laws, partikular sa pagbabayad ng income taxes.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 78-2018, ang lahat ng foreign at Philippine-based gaming operators, ka-bilang yaong may offshore licenses, ay kinakailangan na ngayong maparehistro sa BIR bilang prerequisite sa renewal ng kanilang Philippine Amusements and Gaming Corp. (PAGCOR) licenses. Binibigyang mandato nito ang BIR na tukuyin at i-monitor ang tax payments, kabilang ang remittances ng mga buwis na ikinaltas sa mga dayuhan na nagtatrabaho para sa kanila.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang listahan ng foreign nationals na nagtatrabaho para sa service providers ng POGO operators ay dapat pagsama-samahin ng iba’t ibang ahensiya at tanggapan na may kinalaman sa screening, pagkakaloob ng work permits at pagrerehistro sa mga ito sa bansa.
Ang nasabing mga ahensiya ay kinabibilangan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na sumusuri at nagpapalabas ng visas sa foreign nationals na pumapasok sa bansa; Department of Justice (DOJ), na namamahala sa Bureau of Immigration (BI), na siya namang nagkakaloob ng short-term special work permits (SWPs) sa foreigners; Department of Labor and Employment (DOLE), na nag-iisyu ng alien employment permits (AEPs); PAGCOR, na may talaan ng licensed POGO operators nito; Department of Trade and Industry (DTI), na nangangasiwa sa special economic zones (SEZs) ng bansa kung saan marami sa POGOs ay nag-o-operate; at Securities and Exchange Commission (SEC), na nagrerehistro sa POGO agents.
“If we get all that (information), then it is possible that we can begin to collect taxes, enforcing the law on these foreign workers who are operating here. Isn’t that what we really want to do here, enforce the law?” wika ni Dominguez sa isang pagpupulong na kanyang hiniling sa mga head ng nabanggit na mga ahensiya upang maghanap ng paraan para mapagbayad ng income tax ang foreign POGO workers.
Ani Dominguez, ang magandang panimula ay ang tuntunin ang employers ng naturang mga foreign worker upang makaltasan ang kanilang suweldo at i-turn over sa gobyerno bilang partial payment ng kanilang income taxes.
Comments are closed.