LIBO-LIBONG medical frontliners ang makikinabang sa oras na maisabatas ang panukalang tax relief para sa mga ito.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, may akda ng panukala, aabot sa 270,000 medical frontliners ang mabebenepisyuhan ng income tax discounts.
Nauna nang naaprubahan sa Committee on Rules ang panukala na layong ipakita ang pagkilala at pasasalamat ng gobyerno sa natatanging serbisyo ng mga medical frontliner na humaharap sa panganib ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professional na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Sakop ng benepisyong ito hindi lamang ang mga doctor at nurse kundi pati ang ibang medical frontliners tulad ng administrative employees, support personnel at staff ng medical institutions, anuman ang kanilang employment status.
Umaasa ang mambabatas na sa katapusan ng Enero ay tuluyang maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang tax relief upang agad na mapakinabangan ng mga medical frontliner. CONDE BATAC
Comments are closed.