NAIS ni Senador Francis Tolentino na ikonsiderang deductible expense para sa pagbabayad ng buwis ang mga karagdagang gastos sa panahong work-from-home ang mga empleyado dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang pahayag ay ginawa ni Tolentino sa pagdinig ng Senate Committee on Energy kaugnay sa hakbang ng electric power industry sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan plano rin nitong maghain ng resolusyon na mag-aamyenda sa National Internal Reveneue Code.
”Ito pong ginastos ng ating mga nagtatrabaho sa bahay, puwedeng ikarga bilang deductible expense sa pagbabayad ng buwis dahil po nabawasan ang gastos ng kanilang pinapasukan,” ani Tolentino.
“Hindi na sila nagtatrabaho doon sa opisina nila, hindi kumokonsumo ng aircon at koryente. Dahil nagtatrabaho sila sa bahay, nadagdagan ang kanilang gastusin sa koryente,”dagdag pa ng senador.
Ayon kay Tolentino, maghahain sila ni Senate Committee on Energy chairman Sherwin Gatchalian ng isang panukala para amyendahan ang National Internal Revenue Code na layong bigyan ng makatarungang deduction sa gross income ang mga taxpayer na gumagamit ng karagdagang koryente habang natatrabaho sa kani-kanilang tahanan.
“Because he was able to produce something for the government office or for a private employer, he is entitled to some tax relief,” giit ni Tolentino.
Nauna rito ay inihayag ng Manila Electric Company (Meralco) na tumaas ng 30 percent ang electricity consumption sa panahon ng community quarantine. VICKY CERVALES
Comments are closed.