TAXATION, VISION SCREENING AT BRA RECYCLING TAMPOK SA UPIZ882AM

MAYAMAN sa pakinabang ang nilalaman ng Usapang Payaman sa DWIZ882 (UPIZ882AM) nitong Abril 21 episode dahil sumentro ang talakayan sa taxation, vision screening at bra and underwear recycling kung saan tampok ang naging guests na pawang Hope Creating President (HCP) mula sa Rotary Clubs ng Cosmopolitan Cubao, San Francisco Del Monte at West Triangle na nasa ilalim ng Rotary Internationl District 3780 na pinangungunahan ni District Governor Paul Angel Galang.

Sa unang salbo ng talakayan ay ipinaliwanag ni HCP Dr. Benjamin V. Ganapin Jr. ng RC Cosmopolitan Cubao at founder ng BVG Foundation ang kahalagahan ng taxation, bilang isang certified public accountant.

Aniya, napapanahon ang talakayan dahil tax season at hangad na maunawaan ng publiko ang tamang pagbabayad ng buwis at kung paano nila ginagabayan ang mga negosyante sa tamang filing ng annual income tax return.

Patuloy rin ang Bisyong Pagnenegoyo ng BVG Foundation na umaagapay sa maliliit na negosyante at nais magkaroon ng Negosyo.

Habang inilatag din ni HCP Paul Ocampo Macaraeg ng RC San Francisco Del Monte ang kanilang signature project na vision screening na nakatulong sa 12,000 indigents na Kabataan.

Sinabi ni Macaraeg na may koordinasyon sila RC International – Isesaki at Nagoya sa Japan para sa pagsusuri sa mga mata ng Kabataang nasa edad lima pataas gamit ang donasyong aparato at nakapagbigay ng libreng konsulta at eyeglass para maikorek ang paningin ng kabataang nasira dahil sa madalas na paggamit ng gadgets.

Sa tulong ng aparato, tiniyak ni Macaraeg na ang ipinamahaging eyeglass sa mga nasuring Kabataan ay prescribed o dapat dumaan sa pagsusuri kaya naman ang kanilang signature project ang susi kung bakit nagawaran sila bilang second runner up ng RI District 3780.

Refreshingly original naman ang proyekto ng RC West Triangle sa pamumuno ni HCP Elmira Cadungog, marketing manager ng Wacoal Philippines.

Ito ay ang bra/underwear recycling kung saan ang mga pinaglumaang bra, underwear at maging socks o medias ay ire-recycle.

Ang katuwang ng RC West Triangle sa bra recycling ay ang Guun Co. Ltd. – Philippines.

Sinabi ni HCP Elmira, karamihan sa mga lumang bra ay hindi alam kung paano idi-dispose kaya sa halip na itapon ito ay i-recycle upang maging fluff fuel na alternative sa coal upang mabawasan ang carbon dioxide at makatulong sa kalikasan.

Mayaman aniya sa fiber ang bra at magagamit ang fiber nito sa paggawa ng semento.

Bukod sa bra-re o bra recycling, ang proyekto ng RC West Triangle ay free breast screening at katuwang ang Wacoal.

Para sa magdo-donate, makatatanggap ng katsa bag o eco bag habang handa rin silang magpamahagi ng mga bra-re cycle bin.

Ang nasabing proyekto ay tatakbo ng hanggang tatlong buwan o mula July hanggang September 2024.

“Sa lahat ng magdo-donate ng used bra ay bibigyan naming ng katsa o eco bag para huwag nang gumamit ng plastic bag,” ani HCP Elmira. EUNICE CELARIO