TAXPAYERS INAASAHANG DARAGSA SA TAX DEADLINE

Erick Balane Finance Insider

BUKAS, Hunyo 15, ang hu­ling araw na ibinigay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa pagbabayad ng buwis at paghahain ng annual income, business at corporate tax returns. Nasa P2.576 trilyon ang itinakdang tax collection goal ng Department of Finance (DOF).

Mahaharap sa criminal charge of tax evasion with penalties and surcharge, ayon kina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez at BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, ang sinumang individual o business taxpayers na mabibigong tumupad sa kanilang yearly tax obligations ngayong huling araw ng bayaran ng buwis kasabay rin ng implementasyon ng ‘new normal‘  policy sa proseso ng bayaran at pagpa-file ng tax returns.

Ang lahat ng ­sangay ng BIR mula regional hanggang revenue district office sa buong kapuluan ay bukas, ayon kay BIR Tax Information and Education Division Chief Maria Lourdes D. Narvaez, para magsilbi sa daan-libong individual, business at corporate taxpayers sa filing at payment ng taxes. Aasiste ang mga ito sa computations sa buwis na dapat nilang bayaran.

Kasama sa inaasahang daragsa sa BIR ang mga account and corporate representative  mula sa 200,000 top corporations, at regular small, medium at large taxpayers.

Sina Secretary Dominguez at Commissioner Dulay ay maglilibot sa mga regional at revenue district office bukas at aasistihan nina Metro Manila BIR Regional Directors Albin Galanza at Romulo Aguila, Jr. (Quezon City A & B), Maridur Rosario at Glen Ge­raldino (Makati City A & B), Jethro Sabariaga (City of Manila) at Caloocan City BIR Regional Director Grace Javier.

Sa paglilibot nina Secretary Dominguez at Commissioner Dulay ay ipiprisinta  sa kanila nina Metro Manila Revenue District Officers Cora Balinas, Arnold Galapia, Saripoden Bantog, Joe Luna at Jun Mangubat ang bagong tax method at strategy para mapunan ang posibleng shortfall sa tax collections o kabiguang makuha ang tax goal dulot ng COVID-19.

Kabilang dito ang paglulunsad ng massive tax campaign sa layuning ma-attain ang collection target, ma-sustain ang collection growth, ma-improve ang taxpayers satisfaction and compliance, ma-strengthen ang good governance, ma-improve ang assistance and enforcement processes, at mapalawig ang information technology system na may mataas na kalidad, integridad, competence, professionalism, satisfaction of human resource, management and resources.

Ang orihinal na tax deadline ng BIR ay sa Abril 15, subalit inilagay sa community quarantine o lockdown ang bansa kaya na-move ito ng May 15 at nang ma-extend ay muling itinakda ang tax deadline sa June 15.

Layunin ng tax strategy na makuha  ang tax goal ngayong fiscal year at mahabol ang koleksiyon mula Marso hanggang ­Hunyo dahil sa epekto ng ­COVID-19.

Batay sa medium-term program ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), ang koleksiyon sa buwis ay ibinaba sa orihinal na goal at inatasan ang kawanihan na kumolekta  ng P2.576 trillion sa taong ito, P2.914 trillion sa 2021 at  P3.287 trillion naman sa  2022.

oOo

Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag- email sa [email protected].

Comments are closed.