TAYO NANG MAGBASA!

KUNG pagbabasehan ang masigasig na pag-oorganisa ng iba’t ibang grupo ng mga programa at aktibidad, kasama na ang pananabik ng publiko, at ang dami ng kaganapang inihahanda para sa mga mambabasa sa bansa, aakalaing ang industriya ng aklat at kultura ng pagbabasa sa bansa ay masiglang-masigla.

Ito ay isang obserbasyon na hindi tumutugma sa resulta ng pag-aaral tungkol sa kasanayan ng mga Pilipinong estudyante sa pagbabasa. Halimbawa, ayon sa resulta ng 2018 PISA, pinakakulelat ang Pilipinas sa reading comprehension, o pang-unawa ng binasa, kumpara sa ibang mga estudyante mula sa 79 na bansang sumali sa naturang assessment. Ang PISA ay isinasagawa ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) upang masukat ang kaalaman at kasanayan sa pagbabasa at iba pang asignatura ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral.

Ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob, bagkus, kailangang bumawi at ipakita sa mundo na kayang-kaya nating baguhin ito. Ito ang ating sinusubukang gawin ngayon sa pagtutulungan ng iba’t ibang mga institusyon, organisasyon at ahensiya ng pamahalaan—ang maglunsad ng mga aktibidad at programa upang makahikayat ng mas maraming Pilipino na magbasa.

Halimbawa, ang Manila International Book Fair (MIBF) ay nagbabalik na ngayong taon sa pisikal na espasyo matapos ang dalawang taon na pagkawala dahil sa pandemya. Mula ika-15 hanggang ika-18 ng Setyembre sa SMX Convention Center Manila, maaaring dalawin ang pinakamalaki at pinakamatagal na book fair sa bansa.

May mga booth na eksklusibo para sa mga independent book publishers—bisitahin natin ang Indie Village (booths 245 – 248 at 231- 234, aisle A at B). Kasama rito ang mga independent publishers na Avenida, Milflores, Komikon, Everything’s Fine, The Independent Publishers-Collab (TIP-C), at ABC Educational. Kabilang din dito ang The Indiepubcollab PH, na binubuo ng mga sumusunod: 8 Letters, Aklat Alamid, Aklat Mirasol, Aklat Ulagad, Alubat Publishing, Atma Prema Wellbeing Group, Kasingkasing Press, Isang Balangay Media Productions, Gantala Press, Librong Lira, Pawikan Press, San Anselmo Press, Southern Voices Printing Press, at TBC Publications.
(Itutuloy)