TAYO NANG MAGBASA!

(Pagpapatuloy)
BINUHAY na ring muli ng Book Development Association of the Philippines (BDAP) ngayong taon ang The Filipino Readers’ Choice Awards (FRCA).

Isa itong online awards na nakabatay sa mga boto ng mga mambabasa. Huli itong isinagawa ng BDAP noon pang 2015. Ang botohan ay nagsimula na noong ika-2 ng Setyembre at tatagal hanggang ika-23 ng Setyembre. Maaaring bumoto ang mga mambabasa ng kanilang mga paboritong akda sa 15 na kategorya. Higit sa 1,500 libro ang nominado para sa FRCA ngayong taon. Ang mga magwawagi ay iaanunsiyo sa Philippine Book Fair sa Baguio sa Nobyembre. Proyekto pa rin ng BDAP ang book fair na ito.

At upang mahikayat ang mga mambabasa na makadiskubre ng iba’t ibang mga aklat mula sa mahabang listahang ito, maglulunsad ang FRCA at BDAP ng isang online book fair sa Shopee sa buwang ito pa rin. Nakatutok ang book fair na ito sa mga nominadong aklat. Kung nais bumoto sa 2022 FRCA, dito matatagpuan ang voting form bit.ly/frca2022voting

Binuksan na rin ng National Book Development Board (NBDB) at Manila Critics Circle ang nominasyon para sa ika-40 na National Book Awards. Bukas ito sa mga inilimbag na aklat sa Pilipinas sa taong 2021 (Filipino o Ingles) at mula 2019-2021 (Ilokano). Hind kabilang ang mga textbook sa maaaring i-nominate.

Tatanggapin ang mga nominasyon hanggang ika-10 ng Oktubre lamang. Bisitahin lamang ang Facebook page ng NBDB o ang kanilang website (booksphilippines.gov.ph) para sa karagdagang impormasyon at para sa link ng nomination form.