NASA huling dalawang linggo na tayo ng ipinatutupad na mas pinalawig na enhanced community quarantine (ECQ). Nakatakda sanang matapos noong katapusan ng buwan ng Abril ang ECQ ngunit dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, nagdesisyon si Pangulong Duterte na mas palawigin ito. Ilang araw na lamang ang natitira ngunit tu-ataas pa rin ang datos. Hindi tuloy maiwasang isipin na tila suntok sa buwan na tapusin ang ECQ sa ika-15 ng Mayo. Noong Linggo lamang ay tumuntong na sa bilang na higit sa siyam na libo ang bilang ng kaso ng COVID-19 dito sa Filipinas at hindi malayong aabot pa ito sa sampung libo sa mga susunod na linggo.
Marami ang maaaring mangyari sa loob ng dalawang huling linggong ito at bagama’t maliit ang posibilidad na tuluyan nang mahinto ang pagdagdag ng mga positibong kaso ng COVID-19 kada araw, maaari pa rin itong magawa. Ang tanging kailangan lamang ay ang masiguro na talagang lahat ay sumusunod sa mga panuntunan ng ECQ. Kailangang gawin ng bawat isa ang kani-kanilang bahagi upang matapos na ang krisis na ito.
Ngunit sadyang matigas ang ulo ng karamihan. Isang patunay dito ang higit sa dalawang daang saranggola na nakuha ng mga lineman ng Meralco sa mga linya ng koryente ngayong panahon ng ECQ. Malinaw ang sinabi sa pagpapatupad ng ECQ. Ang sinumang hindi frontliner ay maaari lamang lumabas ng bahay kung ito ay mamimili ng mga kailangang supply o kung ito ay bibili ng gamot. Malinaw na pasaway talaga ang ilan sa ating mga kababayan.
Sa kagustuhan ng iba na maglibang sa pamamagitan ng pagpapalipad ng saranggola, hindi nila nalalaman na hindi lamang sarili nila ang nailalagay nila sa panganib. Dahil sa mga saranggola na sumasabit sa mga linya ng koryente, ang ilang mga konsyumer ay nakararanas ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente. Mula nang magsimula ang ECQ hanggang noong buwan ng Abril, umaabot na sa halos 800,000 na customers ng Meralco ang pansamantalang nawalan ng supply ng koryente dahil sa mga saranggolang sumasabit sa pasilidad ng Meralco. Buti sana kung ang mga naaapektuhan ay mga normal na kabahayan lamang. Pati mga ospital ay nadadamay rito.
Napakahalaga ngayong panahon ng ECQ na masiguro ang 24/7 na supply ng koryente dahil marami ang mga taong nagtatrabaho mula sa kanilang mga bahay. Kritikal din ang papel ng mga ospital sa hinaharap nating krisis. Kaya bago maging pasaway at magpalipad ng saranggola, nawa’y maisip din ang mga kapahamakang maaaring mangyari dahil dito. Maaari ring makoryente ang sinumang may hawak ng saranggola sa oras na ito ay sumabit sa mga buhay na linya ng koryente.
Tigil-tigilan na ang pagiging pasaway. Hindi rin tuloy lubos na masisisi ang ilang mga sundalo at kapulisan kung sila ay naghihigpit sa pagpapatupad ng ECQ. Hindi ko na rin kasi maintindihan ang ilang mga tao kung gusto ba talaga nilang matapos na ang krisis na ito. Kailangang makipagkaisa tayo sa ating pamahalaan upang mas mabilis nating mapagtagumpayan ang pandemyang ito.
Akala siguro ng mga pasaway na ito ay hindi malaki ang epekto ng kanilang mga ginagawang paglabag sa ECQ. Hanggang hindi humihinto ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa, hindi makababalik sa normal na takbo ang ating ekonomiya. Habang mas humahaba ang pagpapatupad ng ECQ, mas lalong nagiging mapanganib para sa ating ekonomiya.
Para sa ating kaalaman at bilang paalala, napakaganda ng takbo ng ating ekonomiya nitong nakaraang limang taon. Kung growth rate ng ekonomiya ang pag-uusapan, halos sumasabay tayo sa mga bansang gaya ng China, Indonesia, at India. Karaniwang pumapalo sa 6% ang growth rate ng ating ekonomiya at kung hindi nangyari ang pandemyang ito, inaasahang maaari pa itong pumalo sa 7% ngayong 2020.
Maituturing na napakatinding dagok sa ating bansa na sa Metro Manila pa kumalat ang COVID-19 na nagresulta sa lockdown simula pa noong ika-16 ng Marso. 70% ng ating gross domestic product ay nagmumula sa Luzon. Hindi kailangang maging eksperto o maging ekonomista para maintindihan ang matinding epekto ng nangyaring lockdown na halos walong linggo nang ipinatutupad. Tiyak na bababa ang ating GDP dahil sa nahintong mga economic activity dahil sa ECQ.
Ang problema ng ating ekonomiya bunsod ng pandemyang ito ay hindi lamang nakukulong dito sa Filipinas. Higit sa 10 milyong Filipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa at marami na rin sa mga ito ang naapektuhan ng COVID-19. Marami ang pinauwi na rin dito sa bansa. Napakalaki ng epekto nito sa ekonomiya dahil ang mga remittance na mula sa mga OFW ay tinatayang 10% ng ating GDP. Sa madaling salita, halos 80% ng ating GDP ay nasa alanganin dahil sa ECQ.
Kapag mas humaba pa ang pagpapatupad ng ECQ, mas titindi pa ang epekto nito sa ating ekonomiya. Maraming mga negosyo ang babagsak. Kapag maraming negosyo ang bumagsak, maraming mawawalan ng trabaho. Tataas ang unemployment rate ng ating bansa. Bunsod ng hirap ng pagdadala ng mga produkto sa ibang lugar sa bansa, maaaring tumaas ang presyo ng ilang bilihin. At dahil na rin sa ganitong sitwasyon, tiyak na mas mataas ang demand sa ibang mga produkto gaya ng pagkain at mga personal na pangangailangan sa araw-araw na smagiging sanhi ng over supply ng ibang mga produkto. Kinalaunan ay babagsak ang presyo ng mga ito.
Ayon sa ilang senador, maaaring abutin ng tatlong taon bago tuluyang makabangon ang ating ekonomiya. Ito ay depende pa kung kailan lalabas ang bakuna laban sa COVID-19. Ngunit hindi naman natin kailangang hintayin ang bakuna upang mapagtagumpayan ng Filipinas ang krisis na ito. Nagawa ng ibang bansa na mapigilan ang pagkalat ng virus gaya ng mga bansang South Korea at Vietnam kaya tiyak na kaya rin natin ito. Mahirap pero kayang gawin ito ng mga Filipino.
Suwerte tayo dahil mas inaalala ng ating pamahalaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa kaysa sa takbo ng ekonomiya. Bilang tulong sa laban sa pandemyang ito, kailangan nating sumunod sa pamahalaan. Ginagawa ng pamahalaan at ng mga frontliner ang kanilang mga bahagi upang labanan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa kaya dapat lamang ay gawin din natin ang ating bahagi. Huwag tayong maging pasaway. Hindi ito ang tamang panahon para sarili lamang ang isipin. Kailangang isipin ang pamahalaan, ang ekonomiya, at ang mga frontliner na binubuwis ang kanilang buhay upang manatili tayong malusog at ligtas mula sa COVID-19. Tulungan natin sila sa pamamagitan ng pagsunod at pagdisiplina sa ating mga sarili. Huwag na tayong dumagdag sa problema. Tara na’t maging bahagi ng solusyon.
Comments are closed.