INAASAHANG pabibilisin ng panukalang Manila Metro Rail Transit System (MRT) 4 project ng Department of Trans-portation (DOTr) ang biyahe sa pagitan ng Taytay sa Rizal at ng Quezon City sa wala pang isang oras.
Ang 15.6-kilometer project ay magsisimula sa Taytay Diversion Road sa Rizal, tatawid sa Ortigas Avenue, dadaan sa Cainta, Pasig, Mandaluyong, at San Juan, at magtatapos sa N. Domingo Street sa Quezon City.
Ang end of the line sa Quezon City ay isang bloke lamang ang layo sa Gilmore Station ng LRT-2 sa Aurora Boulevard.
Ang proyekto ay magkakahalaga ng P50 billion at popondohan ng Asian Development Bank.
Ayon kay Ruben Reinoso, Undersecretary for Planning and Project Development, sa sandaling matapos ang proyekto, ang bi-yahe sa pagitan ng Taytay at ng Quezon City ay magiging 30 minuto na lamang.
Ang train system ay inaasahang magkakaroon ng initial capacity na 235,000 pasahero kada araw. Kalaunan ay tinatayang aabot sa 600,000 ang maseserbisyuhan nito araw-araw.
Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) Investment Coordinating Committee ang proyekto at nangangailangan na lamang ng pag-apruba ng NEDA board bago simulan ang konstruksiyon nito sa 2021. Target ng DOTr na matapos ang proyekto sa 2025.
Batay sa report, ang gagamiting heavy monorail para sa train ay isang makabagong teknolohiya na ginagamit ng Japan at China.
Bukod sa LRT2, ikokonekta ito sa MRT 3 dahil sa planong subway, at sa planong MRT 10 sa C5 Road.
Comments are closed.