TATALIMA ang bagong kalihim ng Department of Health (DOH) na si Secretary Teodoro Herbosa sa limang marching orders ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang panayam, inisa-isa ni Herbosa ang kautusan ng Punong Ehekutibo sa kanya, una rito ang eradication o hindi man mawala ay makontrol ang tuberculosis, human immunodeficiency virus (HIV), teenage pregnancy at pagtatayo ng specialty hospitals sa mga lalawigan upang makalapit sa mga nasa kanayunan ang health care system and services.
Bilang Kalihim ng Kalusugan, inatasan ng Pangulo si Herbosa na gamitin ang kaalaman at karanasan para mapalakas ang health care system ng bansa upang matulungan ang nangangailangan sa pagpapagamot lalo na ang maralita.
Samantala, sa kanyang pag-upo bilang DOH secretary, wala sa prayoridad ni Herbosa ang reorganization o pagpapalit ng kanyang mga opisyal.
Habang idinepensa nito si Undersecretary Pancratius Cascolan na dating hepe ng Philippine National Police.
Sinabi ni Herbosa na kumpiyansa siya sa kakayahan ni Cascolan na kahit dati itong law enforcer ay nasubukan na niya ang kaalaman pagdating sa usapin ng health care.
“Alam n’yo, si Usec Cascolan nakatrabaho ko na iyan kasi siya ang in-charge sa Covid shield during pandemic, Hindi puwede sabihin walang alam, valuable siya, I’ m sure he have me,” anang kalihim. EUNICE CELARIO