NGAYONG tag-ulan ay masarap nga namang humigop ng mainit na kape o tsaa. Ngunit bukod sa kasangga natin ito para labanan ang lamig ng panahon, marami ring benepisyo ang pag-inom ng tsaa sa ating kalusugan.
Narito ang ilan sa mga hot tea recipe na maaaring gawin ngayong tag-ulan:
BLACK TEA WITH HONEY LEMON
Ibabad lamang ang black tea bag sa mainit na tubig sa loob ng 1 minuto. Kung gusto mo naman ng mas matapang na timpla, puwede mo pang tagalan ang pagbabad ng tea bag. Dagdagan ito ng katas ng lemon para makadagdag sa citrus flavor at haluan ng honey upang ma-neutralize ang asim at pait. Mahusay ito sa pagtatanggal ng toxins sa katawan, magandang digestion at pampalakas ng immune system.
GREEN TEA
Ang pag-inom ng green tea bago matulog ay mainam sa mga gustong magpapayat. Pinaniniwalaan din na nakatutulong ito upang humimbing ang ating pagtulog.
Ang green tea ay nakapagpapababa ng cholesterol levels at risk sa pagkakaroon ng cancer. Ibabad lamang ang green tea bag sa mainit na tubig at puwede rin itong lagyan ng honey ayon sa gusto mong tamis.
HONEY LEMON GINGER TEA
Matagal nang ginagamit ang ginger bilang natural remedy. Napakarami nitong benepisyo. Simple lang ang paggawa nito, kumuha lang ng luya, hugasan ito, balatan at saka hiwain. Kapag nahiwa na ang luya, pakuluan ito. Puwede rin namang ibabad lang sa mainit na tubig ang hiniwa-hiwang luya. Matapos na mapakuluan o mababad sa mainit na tubig ang hiniwa-hiwang luya, hanguin na ito saka lagyan ng katas ng lemon at honey na naaayon sa panlasa.
Ngayong tag-ulan ay mainam ang honey lemon ginger tea sa mga taong mayroong sipon at flu dahil sa healing properties na hatid nito.
Maganda rin sa katawan ang ginger dahil pinoprotektahan nito ang brain health, nakatutulong para maibsan ang sakit na nararamdaman, sinusuportahan o napagaganda rin nito ang digestive health at nakababawas ng timbang.
CHAMOMILE TEA
Sa mga hirap namang matulog, mainam din ang pag-inom ng chamomile tea bago humiga. Ang chamomile flowers ay nakapagpapaganda ng iyong pagtulog dahil sa calming effects na mayroon ito.
Mabisa rin ito sa pagtatanggal ng nausea at nakatutulong upang maiwasan ang diarrhea at stomach ulcer. Ibabad lamang ang chamomile tea bag o ang mismong petals ng bulaklak sa mainit na tubig. Siguraduhing nabanlawan muna ang petals bago ibabad. Kung gusto mo ng manamis-namis na tsaa, puwede mo itong lagyan ng dinurog na mansanas o ‘di kaya’y haluan ng gatas.
Bukod sa nakatutulong ang chamomile tea upang makatulog tayo ng mahimbing, mainam din ito sa balat at nakapagpapawala o nakatutulong din ito upang mabawasan ang nadaramang stress at anxiety.
MINT TEA
Ang mint tea ay mainam sa pagpapalakas ng immune system, pagpapabilis ng metabolism at nakapagpapaganda rin ito ng digestion.
Para makagawa nito, ibabad ang mint tea bag sa mainit na tubig. Kung mayroon namang dahon ng peppermint, banlawan muna ito at ibabad din sa mainit na tubig. Hanguin ang dahon kapag may lasa na ang tubig. Maaari mo itong lagyan ng honey upang matanggal ang pait.
Bukod sa mga nabanggit ay puwede ka pang mag-eksperimento ng mga recipe ng tsaa. Hindi naman ito mahirap gawin dahil hindi ito time-consuming at abot kaya naman ang presyo ng mga tea bag.
Ngayong tag-ulan, perfect ang mga tsaa kung nais mo lamang magchill sa iyong bahay. Puwede rin itong maging alternative sa kape kung gusto mo ng maiinom tuwing break sa iyong office o eskuwelahan. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.