Kulang tatlong linggo bago ang halalan sa Mayo 9, hindi natitinag si Marikina Rep. Stella Alabastro-Quimbo na nangungunang kandidato bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod na lamang na lamang sa kanyang mga katunggali, ayon sa pinakabagong survey ng Philippine Survey and Research Center (PSRC).
Sa isang bagong poll na isinagawa ng PSRC mula Marso 25 hanggang Abril 4, 2022, napanatili ni Quimbo ang kanyang kalamangan sa lahat ng pitong barangay at mga grupong demograpiko kung saan 81% ng respondents ang nagsabi na iboboto nila siya kung naganap ang eleksiyon sa panahong ginawa ang survey.
Mula nang mag-umpisa ang lokal na kampanyahan noong nakaraang buwan, si Quimbo, na kilala bilang “Teacher Stella” sa kanyang distrito, ay panalong-panalo na kumpara sa kanyang mga kalaban sa puwesto na sina Del de Guzman (11%) at Mauro Arce (4%).
Lumitaw sa resulta ng survey na may 4% na undecided at wala namang naitalang abstention.
Ang nasabing bagong survey ay tumutugma sa mga naunang suvey na isinagawa ng PSRC sa nakaraan kung saan numero uno si Quimbo para sa mga respondent ng Barangays Concepcion Uno, Tumana, Nangka, Parang, Fortune, Marikina Heights, at Concepcion Dos.
Mula nang mahalal noong 2019, nakapaghain si Quimbo ng mahigit 300 panukala, kabilang ang Accelerated Recovery and Investment Stimulus for the Economy (ARISE) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na dahilan upang palayawan siyang “Ayuda Queen.”
Ang kinatawan ng Marikina ay nagtapos na summa cum laude sa University of the Philippines-Diliman sa kursong Bachelor of Science in Economics (1991) at mayroon din siyang Master of Arts in Economics (1993) at Doctor of Philosophy in Economics (2000) mula sa parehong unibersidad.