TEACHERS’ DAY

MALINAW na mahirap ang mga gawain ng mga guro.

Talagang kulang kung ating tutuusin ang kanilang tinatanggap na suweldo.

Sa totoo lang, marami pa silang gawain sa paaralan kahit lampas na sila sa oras na magtrabaho.

Kung minsan, binabastos pa sila ng kanilang mga estudyante.

Ang masaklap, kaunting pagsaway sa mga bata ay nauuwi sa demandahan, kaso o reklamo.

Sabi nga, walang karunungan kung wala ang ating mga titser.

Walang journalist, duktor, dentista, enhinyero, manunulat, at iba pang propesyon kung wala sila.

Pangalawang magulang nga sila ng mga estudyante kung ituring.

Katuwang sila ng mga magulang sa paghubog sa asal at kaalaman ng mga tinaguriang ‘pag-asa ng bayan’.

Ang ilang kaso o insidente sa paaralan, tulad ng nangyari sa Antipolo, Rizal, ay isolated incident lamang.

Mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 kada taon ay ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month, sa bisa ng Republic Act No. 10743.

Ang selebrasyon naman ng World Teachers’ Day ay ginagawa tuwing Oktubre 5.

Para nga kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang mga guro ay bayani ng edukasyon ng mga kabataang Pilipino.

Kung hindi ako nagkakamali, noong Lunes, binigyan ng tribute ni PBBM ang mga titser.

Ayon sa Pangulo, sa pagtatapos ng pagdiriwang ng pambansang buwan ng mga guro, mahalaga raw na bigyan sila ng pagkilala.

Malaki rin ang pasasalamat ng ating presidente sa mga guro.

Sabi nga niya, nariyan ang administrasyong Marcos-Duterte na patuloy na nagsusumikap para tugunan ang pangangailangan ng mga eskwelahan, mga guro, at maging ng mga mag-aaral o estudyante sa buong kapuluan.

Kung matatandaan, noong Linggo naman ng gabi, Oktubre 1, idinaos sa Malacañang ang ‘Konsiyerto sa Palasyo’ para sa mga guro bilang pagbibigay-pugay sa kabayanihan ng mga ito.

Masasabing tama si Pangulong Marcos, nararapat bigyan ng kaukulang respeto at pagpupugay ang mga gurong Pilipino.

Dapat bigyang halaga ang pagtuturo bilang propesyon at bigyang importansiya ang ambag ng mga guro sa ‘nation building’.

Siyempre, bukod sa nagsisilbing pangalawang magulang, ang ating mga guro ang tunay na humuhubog sa pagkatao at ugali ng mga estudyante habang isinasalin sa kanila ang karunungan upang maging mabuting mamamayan ng bansa.