MAGBABAKBAKAN ang pinakamahuhusay na billiards players mula sa Team Asia at Team Europe sa inaugural Reyes Cup mula October 15 hanggang 18 sa Ninoy Aquino Stadium.
Naka-pattern sa four-day team format ng Musconi Cup, ang 9-ball tournament ay tatampukan ng Team Asia, na pangungunahan ni Filipino pool sensation Johann Chua, at Team Europe, sa pangunguna ni German Joshua Filler.
Isang World Pool champion at US Open Pool Championship winner, si Efren “Bata” Reyes ay itinuturing na greatest-ever player ng sport, na nagsisilbing inspirasyon sa milyon-milyong pool fans sa buong mundo.
Ikinararangal ni 70-year-old Reyes na magkaroon ng torneo sa ilalim ng kanyang pangalan.
“Ito ang pinakahihintay ko na tournament. Tingin ko may panalo ang Team Asia. Pumili kami ng mga magagaling sa Asia,” sabi ni Reyes. “Tutulungan ko sila.”
Si Reyes ang magiging team captain ng Team Asia, na binubuo nina Chua, Singaporean Aloysius Yapp, at Taiwanese Ko Pin Yi, gayundin ng dalawang wildcards na iaanunsiyo sa mga susunod na araw.
“This is going to be just phenomenal,” wika ni Matchroom Multi Sport CEO Emily Frazer. “I’m excited how it will be played out.
“All of us will be in the edge from our seats,” dagdag pa niya.
Ang Team Europe ay kabibilangan ni Karl Boyes bilang team captain, kasama sina Filler, Denmark’s Mickey Krause at Albania’s Eklent Kaci, at dalawang wildcards.
“Maraming magagaling ngayon sa Europe. Maraming sumisibol,” ani Reyes. “Palagay ko, mahihirapan pero may mga shooters tayo.”
Ang Cignal ang host broadcaster para sa event via One Sports, One Sports+ at Pilipinas Live.