BUKOD sa pagkakaloob ng platform para sa top college players, ang Pinoyliga Cup ay nag-aalok din ng entablado para sa second at third ‘stringers’ o players na umaasang mapatunayan na may kakayahan sila upang sa huli ay makasama sa main unit ng kani-kanilang collegiate teams.
Sinabi ni Pinoyliga Cup tournament director Benny Benitez na ito ang konsepto nang simulan nila ang Next Man Cup noong 2022 makaraang paunang ilunsad ang Collegiate Cup noong naunang taon.
“This is our third season already. This is our tournament for Team B. There has to be a refresh for the concept, this is where we – Pinoyliga – come in,” pahayag ni Benitez sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
“All of the milestones of a Filipino basketball player, nilalagyan namin ng pundasyon,” dagdag pa niya sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at Arena Plus, ang 24/7 sports app ng bansa.
“We started with the Alumni Cup, and eventually, nagbuo din kami ng Collegiate Cup, tapos nagdagdag kami ng Next Man Cup, then we also have the Juniors’ Cup.”
Ang nagpapatuloy na mga torneo ng Pinoyliga ngayon ay ang Alumni Cup at Juniors Cup, na nagsimula ngayong buwan, at pinangungunahan ng NCAA junior’s champion Letran Squires at UAAP junior’s titlist Adamson Baby Falcons.
Samantala, ang Alumni Cup ay nasa ika-5 season na ngayon kung saan target ng UE Red Warriors ang ikatlong sunod na titulo sa 40-above category, habang sisikapin ng Mapua Cardinals na mapanatili ang kampeonato sa 30-above division.
Sinabi ni Benitez na ang Next Man Cup ay magsisimula sa late November.
Nasa 10 hanggang 14 koponan ang inaasahang lalahok, kabilang ang defending champion College of St. Benilde.
Habang ang mga eskuwelahan mula sa top two collegiate leagues sa bansa – ang NCAA at UAAP – ang nangunguna pa rin sa mga torneo na inorganisa ng Pinoyliga, sinabi ni Benitez na “inclusive” ang mga ito dahil welcome din ang iba pang mga eskuwelahan mula sa ibang liga tulad ng NAASCU, NCRAA at CESAFI. CLYDE MARIANO