PASSI CITY – Naghihintay ang isang entertaining, ngunit kumpetitibong PBA All-Star game ngayong weekend.
Kapwa nangako ang mga coach ng Team Greats at Team Stalwarts na bibigyan ang isa’t isa ng magandang laban kung saan magsisilbi silang front act para sa All-Star Weekend na magbabalik sa eksena matapos ang tatlong taong pagkawala simula ngayong Biyernes sa City of Passi Arena.
Sinabi ni Team Stalwarts coach Caloy Garcia na sisiguraduhin niya na ang kanyang players, sa pangunguna ni Brandon Ganuelas-Rosser, ay magiging kumpetitibo kontra Team Greats sa 5:45 p.m. match up.
“We just want to have fun, and at the same time, we want to compete,” sabi ni Garcia sa press conference kasunod ng pagdating ng main bulk ng All-Star delegation kahapon sa lungsod na ito sa pusod ng Panay.
“We’re going to make sure that you will get your money’s worth, and we’ll make the players know that it’s not about them. It’s about the fans this time,” dagdag ni Team Greats coach Richard Del Rosario, na ang roster ay pangungunahan ni no. 2 pick Justin Arana.
Ang laro ay tatampukan ng Rookie, Sophomore, at Junior players na ibinoto ng fans at hinati sa dalawang koponan.
Samantala, ang main All-Star game ay nakatakda sa Linggo, sa pagitan ng Team Scottie at ng Team Japeth,na ang mga player ay maglalaro hindi lamang para sa bragging rights, kundi para sa prize money.
“Naglagay kami ng kaunting prize money para hindi lang puro kantiyawan,” sabi ni PBA commissioner Willie Marcial.
Bago ang Team Greats vs Team Stalwarts ay ang Skills Challenge na tinatampukan ng Obstacle Course, Three-Point Shootout, at Slam Dunk contest.