NANGAKO si Team Pilipinas coach Yeng Guiao na babawi sila sa laro nila kontra Qatar makaraang talunin sila ng Iran, 81-73, sa 2019 FIBA World Cup Asian qualifiers noong Huwebes ng gabi.
Inamin ni Guiao na nalungkot siya sa pagbaba ng three-point shooting percentage ng kanyang tropa.
Matikas na nakihamok ang Team Philippines sa unang tatlong yugto subalit bumigay sa final canto para malasap ang pagkatalo sa Iran sa pagsisimula ng second round ng qualifiers sa Azagy Gym sa Tehran.
Sa pagkatalo ay bumagsak ang Nationals sa 4-3 kartada sa Group F.
Umaasa si coach Guiao at ang kanyang tropa na makauuwi agad upang magkaroon ng sapat na panahon na makapag-ensayo bilang paghahanda sa kanilang home game laban sa Qatar sa Lunes sa Smart Araneta Coliseum.
Ang laro ay closed-door bilang bahagi ng sanction ng FIBA sa national federation matapos ang rambulan ng Gilas at Australia sa Philippine Arena.
Nanguna para sa Team Pilipinas si Christian Standhardinger na nagpasabog ng 30 points subalit nabigong makakuha ng kinakailangang suporta mula sa kanyang teammates, partikular ang Filipino gunners.
Naghahabol ng dalawang puntos lamang sa 61-63 sa pagsisimula ng fourth quarter, natambakan ang Team PH ng 11 sa 66-77 at kalaunan ay natalo ng siyam na puntos nang makagawa lamang ng dalawang field-goal baskets sa buong final period.
Comments are closed.