DALAWANG medalya na ang napanalunan ng Team Philippines sa 2021 Asian Youth Para Games sa Manama, Bahrain matapos ang aksiyon noong Biyernes.
Nakopo nina Ariel Joseph Alegarbes at Ronn Russel Mitra ang gold at silver sa kani-kanilang events para mahigitan na ang medal haul ng bansa sa 2017 edition ng Para Games sa Dubai kung saan nakapag-uwi lamang ang Pilipinas ng isang bronze.
Nasikwat ni Alegarbes ang gold sa S14 100-meter butterfly event sa swimming habang kinuha ni Mitra ang silver sa 400-meter T20 event sa Para Athletics.
Pumangalawa kay Alegarbes si Rei Kagose ng Japan, kasunod si W. In-Choo ng Thailand.
Samantala, naungusan ni Mitra si Korea’s Youngsik Mun para sa silver na may 54.65.
Si Tahiland’s Natapon Kaewmanee ang nagwagi ng gold sa event ni Mitra na may 54.10.
Sina Alegarbes at Mitra ay kabilang sa 20-athlete contingent para sa Pilipinas sa torneo na tatagal hanggang Disyembre 6.