ILANG miyembro ng Philippine national taekwondo team ang nag-uwi ng medalya sa World Taekwondo Online Poomsae Open Challenge III na idinaos mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 31, 2021.
Si Angelica Gaw ang nag-iisang gold medalist sa event makaraang madominahan ang Under 30 division ng open individual category sa iskor na score 7.650. Pumangalawa si Thailand’s Phenkanya Phaisankiattikun, habang nagkasya sa ikatlong puwesto si South Korea’s A Ra Cho.
Pumangalawa si Jun Ninobla sa Under 60 division ng men’s national team individual category na may iskor na 7.470, gayundin si Justin Kobe Macario sa Over 17 division ng men’s national team freestyle category.
Nagwagi rin ng silver ang tambalan nina Vincent Gabriel Rodriguez at Paul Anthony Rodriguez sa sibling division ng family pair category.
Samantala, nagkasya si Janna Dominique Oliva sa bronze sa Over 17 women’s national team freestyle category.
Ang World Taekwondo Online Poomsae Open Challenge III ay isang virtual competition kung saan ang mga atleta ay nagsusumite ng online videos ng kanilang poomsae performances bilang entries sa torneo.