TIYAK na nakakuha ng malaking break ang Team Scottie sa pagkawala ni June Mar Fajardo sa lineup ng Team Japeth para sa PBA All-Star game ngayong Linggo.
Subalit ayaw magkampante ni coach Yeng Guiao sa unang All-Star game sa nakalipas na tatlong taon.
“We feel na merong slight advantage, but it’s not just about June Mar. It’s not just all about that match up. It’s also about the rest kasi superstars naman lahat ang mga ito,” sabi ni Guiao sa ensayo ng kanyang koponan kahapon, sa pangunguna ni captain Scottie Thompson sa Iloilo Sports Complex.
Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi sa City of Passi Arena, kung saan hindi makakasama ng Team Japeth ni coach Tim Cone si 6-foot-11 Fajardo, kinuha bilang no. 2 sa All-Star draft, na minabuting hindi maglaro sa showcase makaraang magtamo ng knee injury sa katatapos na kampanya ng San Miguel Beer sa East Asia Super League (EASL) Champions Week sa Japan.
Pumalit sa puwesto ni Fajardo si 6-foot-8 Raymond Almazan ng Meralco.
“That’s still going to count as a big man,” sabi ni Guiao patungkol sa pagkakasama ni Almazan sa lineup ng Team Japeth kasama sina last minute entries Arwind Santos, Jio Jalaon, at Alex Cabagnot.
“It makes our problem a little less of what we expected to encounter. But it’s still not all about June Mar alone because the rest of the other guys can make a difference.”
Bukod kina Almazan, Santos, Cabagnot, at Jalalon, ang iba pa sa Team Japeth ay sina Jamie Malonzo, Chris Newsome, Roger Pogoy, Calvin Oftana, Paul Lee, Jeremiah Gray, Gian Mamuyac, at Nards John Pinto.
“We have guys who can run and guys who can light it up from the three-point line,” pagbibigay-diin ni captain Japeth Aguilar nang tanungin kung paano nila pupunan ang pagkawala ni Fajardo.
Samantala, ang Team Scottie ay binubuo nina top All-Star pick Christian Standhardinger, CJ Perez, Calvin Abueva, Robert Bolick, Arvin Tolentino, Kevin Alas, Jayson Castro, Stanley Pringle, Marcio Lassiter, Mark Barroca, at two-time MVP James Yap.