TEAM USA LALARO SA PH PARA SA FIBA WORLD CUP GROUP PHASE

PUMILI ang tatlong hosts ng FIBA Basketball World Cup 2023 — Philippines, Japan at Indonesia — ng gusto nilang koponan na maglalaro sa group phase sa kani-kanilang bansa.

Matapos ang konsultasyon sa host nations, kinumpirma ng Central Board ng FIBA na ang Team USA ay lalaro sa Pilipinas, bibiyahe ang Slovenia sa Japan, at tutungo ang Canada sa Indonesia.

Ang Slovenia at Canada ay nag-qualify para sa World Cup, habang ang USA ay nasa magandang posisyon para kunin ang isang puwesto sa tournament field sa huling window ng qualifiers.

Ang bawat host ay maaaring pumili ng gusto nilang koponan base sa commercial reasons, dahil ang kanilang mapipili ay hindi magkakaroon ng epekto sa integridad ng event o ng draw process.

Tulad sa kaso sa FIBA Basketball World Cup 2019 sa China, ang Philippines, bilang tournament host para sa group phase at final phase, ay ilalagay sa Pot 1 para sa draw.

Sasamahan sila sa Pot 1 ng best ranked teams sa FIBA World Ranking Men matapos ang huling qualifying window na lalaruin sa February 2023. Dahil dito, ang USA at Philippines ay ilalagay sa magkaibang grupo ng apat na gaganapin sa Philippines.

Pinili ng Japan ang No. 7 team, Slovenia. Ang Japan at Slovenia ay maglalaro sa kanilang group phase sa Okinawa, kung saan lalaruin ang dalawang grupo.

Ang Canada ay lalaro sa Jakarta, Indonesia, kung saan makakasama nila ang dalawa sa 8 top teams ng FIBA World Ranking Men sa dalawang grupo sa ­Indonesia.